Nagsisimula na ang maalinsangang panahon pero posible pa raw itong tumindi sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa state weather bureau na PAGASA.
Ayon sa PAGASA, tatlong lugar sa bansa ang nakaranas ng “danger” level na heat index, o nasa pagitan ng 42°C at 51°C, noong Martes, Abril 7.
Batay sa 5-day computed heat index, nakapagtala ang Sangley Point sa Cavite City ng 43°C, habang parehong nakapagtala ng 42°C ang Cotabato City sa Maguindanao at Butuan City sa Agusan del Norte.
Samantala, ilang lugar naman ang nakaranas ng heat index na nasa ilalim ng “extreme caution,” o nasa pagitan ng 33°C at 41°C:
- Itbayat, Batanes — 32°C
- Basco (Radar) Batanes — 31°C
- Tanay Rizal — 32°C
Ayon pa sa PAGASA, inaasahang sa Miyerkules, Abril 8, maaaring umabot sa “danger” level na heat index ang mga sumusunod na lugar:
- Cotabato City, Maguindanao — 42°C
- Butuan City Agusan del Norte — 42°C
Tumutukoy ang heat index sa aktuwal na init na nararamdaman ng katawan ng tao, na pinagsamang sukat ng temperatura ng hangin at relative humidity o halumigmig. Kapag mataas ang humidity, bumabagal ang pag-singaw ng pawis, kaya mas nahihirapan ang katawan na magpalamig.—FRJ GMA News
