Nabulag ang isang babae matapos sabuyan ng asido ang kaniyang mukha ng kaniyang kinakasama sa Cagayan de Oro City. Ngunit sa kabila nito, pinatawad niya ito. Ano nga ba ang pinag-ugatan ng kanilang pagtatalo? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Juckwelyn Alvarez, na iniwan ng kaniyang dating karelasyon, ngunit matatag na itinataguyod ang dalawang anak sa pamamagitan ng pagtitinda.
Hanggang sa makilala niya ang kasintahan niya ngayon na si Shemneal Camaro, na tumayong ama sa kaniyang mga anak. Nagdesisyon na rin silang magsama.
Oktubre noong nakaraan taon nang mabulag si Juckwelyn matapos siyang mabuhusan ng muriatic acid.
Si Shemneal ngayon ang nag-aalaga kay Juckwelyn, nagsisilbi niyang mga mata na pinakakain siya at inaalagaan siya.
Bago nito, hindi nagkasundo sina Juckwelyn at Shemneal nang makita ni Shemneal na may pasa ang isa sa mga anak ni Juckwelyn. Ayon kay Shemneal, sumagot sa kaniya si Juckwelyn na “Wala ka nang pakialam,” kaya sumama ang kaniyang loob.
Ilang araw naman hindi umuwi si Juckwe at pansamantalang nakituloy sa kaniyang inang si Emeline na ilang metro lang ang layo mula sa bahay nila ni Shemneal.
Isang hapon, habang naglalakad pauwi si Juckwe, bigla na lamang siyang sinabuyan ng muriatic acid sa mukha ni Shemneal. Humapdi ang kaniyang mga mata, ilong at hirap huminga.
“Galit na galit po 'yung mukha niya. Parang kakainin ka na ng demonyo,” sabi ni Juckwe.
“Binuhusan ako ng tubig para, hindi mahapdi. Hanggang sa dinala ako ng papa ko sa ospital,” sabi pa niya.
Sa tindi ng kemikal na isinaboy sa kaniyang mata, tuluyang nabulag si Juckwe.
“Kasi hindi naman po kami ganyan mag-aaway eh. Hindi po kami nagsasakitan. Hindi ko na po alam kung anong gagawin ko. SIya 'yung superhero ko bale sa buhay ko,” sabi ni Juckwe.
Nagsampa naman ng kaso laban kay Shemneal si Emilyn Alvarez.
“Wala silang mga utang na loob. Grabe ‘yung ginawa nila sa anak ko. Halos patayin na nila siya rito sa sarili naming bahay. Hindi ko matanggap na ganoon ang ginawa sa anak ko,” sabi ni Emilyn.
Sumuko naman si Shemneal sa mga awtoridad.
“Sumurrender po ako sa kanila. Pagdating po sa police station, sir, doon na po ako natauhan. Iniisip ko po na bakit ko po nagawa ‘yun. May mga anak pa po siyang maliliit. Iniiyak ko na lang po lahat 'yung natauhan po ako. Parang hindi po ako makapaniwala sa nagawa ko,” anang lalaki.
Paglilinaw ni Shemneal, hindi ang masasakit na salita na binitawan ni Juckwe ang nagtulak sa kaniya na gawin ang krimen, kundi nahuli niya ang kinakasama na may ka-chat na lalaki.
“Kita ko 'yung mga chat ng lalaki sa kaniya. Naka-save po 'yung messenger niya sa cellphone ko. Nakikita ko po 'yung chat ng lalaki. May mga bastos. Mag-shot daw sila, tapos inn. Kahit sino namang lalaki, maseselos. Kinumpronta ko po siya. Nagalit siya. Sabi niya, wala ka nang pakialam,” sabi ni Shemneal.
“Na-down po ako sa sarili ko, sir, kasi ginawa ko naman lahat. Tapos ‘yun lang 'yung binibitawam niyang salita. Sinabihan ko nu’n po siya na ayusin namin. Kawawa 'yung mga bata.
Ayaw niya po talaga eh. Nagmamatigas po. Hanggang na-block na po ako,” sabi pa ni Shemneal.
Nang pumasok sa isip niyang sasama siya sa lalaki, nagdilim na ang paningin ni Shemneal at nang pumasok sa CR, nakakita siya ng muriatic acid.
Pagdaan ni Juckwe, dito na sinabuyan ni Shemneal ang kinakasama.
Sa kabila ng away at eskandalo, ang dalawa, pinili umanong patawarin ang isa't isa.
“Nandu’n din po ang pagmamahal ko po sa kaniya, sir. Nasanay na po akong nakasama siya eh. Kailangan ko po ng kasandigan,” sabi ni Juckwe.
Ang bulag na si Juckwe, iniurong ang kaso kaya nakalaya si Shemneal.
“Naawa lang po ako sa mga anak ko eh. Siya po 'yung palagi hinahanap ang anak ko na bunso. Kasi gusto ko po 'yung pamilya na buo eh. Hiwala na po ako sa dati. Ayaw ko na pong maulit,” ani Juckwe.
“Daming galit, daming sinasabi sa akin. Pero wala, sir eh. Tao rin po ako nagkakamali, sir. Tsaka marami naman pong nagga-guide na ituwid ko na daw po o 'yung mga mali kong nagawa, gawin kong tama,” sabi ni Shemneal.
Dagdag pa ni Juckwe na ipinakikita ni Shemneal na nagbabago na ito. Si Shemneal naman, sinabing iaalay ang mga mata para kay Juckwe.
“‘Yun po, 'yung napili niya na bumalik sa akin, gagawin ko na lang po 'yung lahat para matama lahat 'yung pagkakamali ko po. Kung puwede, idonate ko na lang po 'yung mata po. Isusugal ko po 'yung mata po. Kung ‘yun po ang nararapat po, gagawin ko po ‘yun para sa kaniya,” sabi ni Shemneal.
Sa ngayon, dalawang buwan nang nasa poder ng kaniyang nanay Emilyn ang dalawang anak ni Juckwe.
“Sabi po ng mama ko, ‘Ano ka ba? Isipin mo naman sarili mo. Kawawa mga anak mo. Hindi nga lang yan gawin sa'yo bukas. Baka pag-uwi mo, patay ka na. Sabi ko lang po, ‘Hindi mama. Ayusin ko po to. Hindi po siya ganiyang tao. Galit po sila sa akin. Kasi, matigas po daw ulo ko.”” sabi ni Juckwe.
Ngunit kung sakaling maulit daw ang pananakit ni Shemneal, ipakukulong na niya ito at iiwan.
Tunghayan sa KMJS ang payo ng mga doktor kung may pag-asa pa kayang maibalik ang paningin ni Juckwe. Panoorin ang buong kuwento. – FRJ GMA News
