Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki dahil sa pagtangay ng mahigit P2 milyon halaga ng luxury items sa isang bahay sa Santa Cruz, Maynila. Ayon sa suspek, naburyong siya matapos silang mag-away ng kaniyang live-in partner kaya siya nagnakaw.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood ang pagbaba ng isang lalaki mula sa gilid ng residential building madaling araw noong Sabado.
Ninakaw na pala niya ang luxury items ng isang babaeng negosyante.
Sinabi ng pulisya na nagkataong nagbabakasyon sa ibang bansa ang pamilya at mga kasambahay lang ang naiwan sa bahay.
Lumabas sa imbestigasyon na tinakpan muna ng lalaki ang isa sa mga CCTV camera ng gusali nang akalain niyang ito lang ang CCTV camera ng building.
Ngunit sa ibang kuha ng CCTV, mapanonood na umakyat siya sa gilid ng gusali kahit pa mayroong mga barbed wire.
Dumaan din ang lalaki sa fire exit at winasak ang kandado para makapasok.
Sa isa pang kuha, makikitang nagtakip ng mukha ang lalaki, pumasok sa master bedroom, at hinalughog ang kuwarto hanggang sa natagpuan niya mga alahas at saka tumakas.
Hindi namalayan ng mga kasambahay ang pagnanakaw dahil natutulog sila sa ibang palapag ng gusali.
Pasado 7 a.m. nang madiskubre ng biktima ang nangyaring pagnanakaw.
"Through cellphone niya po, noong nag-review po siya, nakita niya po na parang may pumasok nga po sa bahay nila... agaran po tayong nag-conduct ng intensified hot pursuit operation," ayon kay Police Major Eduardo Zaragosa, Alvarez PCP Commander ng MPD.
Makaraan lang ang ilang oras, nahanap ng pulisya sa kaniyang bahay sa Barangay 33 ang suspek, at nabawi ang nakuhang mga alahas.
Sinabi ng 32-anyos na suspek na naburyong lamang siya matapos silang mag-away ng kaniyang live-in partner, kaya niya nagawang magnakaw. Humihingi siya ng paumanhin sa biktima.
“Nadaanan ko lang po sir. Naburyong na rin po ako. Sana po mapatawad niya po sana ako. Alam ko po malaking abala itong ginawa ko sa inyo,” sabi ng suspek.
Na-inquest na ang suspek at sinampahan ng kaukulang reklamo. Sinusubukan naman ng GMA News na makunan ng pahayag ang biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA News
