Lumaki man na hindi nakikilala ang kaniyang ama, hindi naman daw naramdaman ni Max Collins na may kulang sa kaniyang pagkatao.
Sa episode ng Fast Talk With Boy Abunda nitong Martes, tinanong ng “King of Talk” si Max kung hihingi ba siya ng tulong sa isang manhunter tulad ni Atoy—ang karakter ni Dingdong Dantes sa kanilang upcoming series na The Master Cutter, upang hanapin ang kaniyang ama.
Sumagot ng “Oo,” ang Sparkle actress at inihayag na sinubukan na niyang hanapin ang kaniyang ama noon pero hindi niya ito nakita. Gayunpaman, sinabi ni Max na hindi niya habambuhay na hahanapin ang ama.
"I am gonna stop. Pagod na 'ko. OK na 'yun," saad niya.
"Not to be mean but it's like my mom did everything. Siya 'yung tumayong ina at ama sa aming pamilya so hindi ko siya kailangan," dagdag ni Max.
Ayon kay Max, baby pa lang siya nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang at iniwan sila ng kaniyang ama.
"Umalis siya, never naman siya bumalik. Hindi naman niya ako hinanap. So ba't ko naman siya kailangan hanapin," sabi ng aktres.
Pero paglilinaw niya, hindi siya galit sa kaniyang ama. Idinagdag niya na madalas niyang iniisip noong bata pa siya kung ano ang pakiramdam na makilala ang kaniyang ama.
"I really felt like mabubuo ako kapag nakilala ko ang tatay ko. Pero hindi pala totoo 'yun eh. Depende sa perspective mo sa buhay, 'yun 'yung natutunan ko," ayon pa kay Max.
May isang anak si Max sa kaniyang dating asawa na si Pancho Magno. Bagaman naghiwalay sila, nagtutulungan naman silang itaguyod ang kanilang anak.
Si Max ang leading lady ni Dingdong Dantes sa The Master Cutter, na ipapalabas sa GMA Prime at Netflix sa Mayo. — FRJ GMA News
