Isang motorcycle rider ang nasawi matapos siyang sumalpok sa nakasalubong na pampasaherong bus sa Tagkawayan, Quezon.
Sa ulat ng GMA Regional TV nitong Martes, sinabi ng pulisya na binabaybay ng motorsiklo at bus ang Quirino Highway sa Barangay San Francisco. Pero, bigla umanong napunta sa linya ng bus ang motorsiklo.
Tinangka umano ng driver ng bus na iwasan ang motorsiklo pero hindi na niya kinaya dahil sa sobrang lapit ng kanilang distansiya.
Dead on arrival sa ospital ang rider.
Sinusubukan pang makunan ng panig ang mga kaanak ng biktima.
Nasa kustodiya na na mga awtoridad ang bus driver na hindi pa nagbibigay ng kaniyang pahayag.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Sa Hagonoy, Bulacan naman, isang mag-asawa ang sugatan matapos mahulog ang kanilang tricycle sa ilog sa Barangay Santo Niño.
Ayon sa misis, dumaan sila sa gilid ng ilog patungong simbahan nitong Biyernes Santo nang may iwasang isa pang tricycle ang kaniyang asawa.
Dahil dito, tumagilid ang sinasakyan nilang tricycle. Hindi na umano nakontrol ng kaniyang mister ang manibela at nahulog sila sa ilog.
Agad naman silang tinulungan ng ilang residente at tricycle driver sa lugar.
Hindi naman malubhang nasaktan ang mga bitima, at wala ring ibang nadamay sa insidente.—Jamil Santos/FRJ GMA News
