Makatatanggap ng cash ayuda ngayong Abril ang mga magsasaka at mangingisda na apektado ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng kaguluhan sa Middle East, ayon sa isang opisyal Department of Agriculture na dumalo sa isang pagdinig ng komite sa Senado nitong Martes.

Sa naturang pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, sinabi ni Director Lorna Belinda Calda ng Field Operations Service ng DA, makatatanggap ng P5,000 ang mga magsasaka na may gamit na makinarya gaya ng traktora. Samantalang P3,000 naman ang matatanggap ng mga mangingisda na may gamit na bangkang de-motor.

Ginawa ang pagdinig kaugnay sa mga mungkahi na amyendahan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act at panukalang Sustainable Livelihood Program.

“(May) P100 million, which will benefit 14,400 farmers and 15,669 fisherfolk. Then the amount for the farmers is P5,000 per farmer and for fisherfolk is P3,000,” sabi ni Calda kaugnay sa ipapamigay na ayuda.

Nang tanungin ni Senador Erwin Tulfo kung magkakaroon pa ng ibang pangtulong para sa mga magsasaka at mangingisda kung tumagal pa ang krisis, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na may nakalaang P10 bilyon para sa 4.217 milyong benepisyaryo mula sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk. Ilalabas din umano ito ngayong Abril.

Inatasan naman ni Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel ang pagpapalabas ng Rice Competitiveness Enhancement Fund na nagkakahalaga ng P7 bilyon mula sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA), na mangangahulugan ng P3,200 para sa bawat magsasakang benepisyaryo kapag naipamahagi na.

Sinabi naman ng isang opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na wala pang pagtalakay kung anong sektor ang maaaring makinabang sa tulong ng pamahalaan, ngunit idinagdag niya na may mga pondo pa ring magagamit.

Tinanong ni Tulfo ang mga opisyal ng DSWD tungkol sa kanilang mga plano upang tulungan ang mga minimum wage earner at mga nasa middle class kung magtatagal ang krisis hanggang Hunyo o Hulyo.

“Sa ngayon wala pa pong pinag-uusapan ano yung next sector but in terms of funding meron po. Pag-uusapan pa lang po Mr, Chairman, you will be the first to get the list of sectors that we will help,“ tugon ni DSWD Usec. Aliah Dimaporo.

Tiniyak naman ng Department of Budget and Management sa komite na may sapat na pondo ang gobyerno para tumugol sa epekto ng Middle East crisis at mga kalamidad, lalo na sa pagsapit ng tag-ulan sa Hunyo.

“The economic managers are well aware of the crisis po ngayon, but we are closely coordinating po to ensure that there will be funds available for programs and projects that will be needed for the purpose po,” ayon kay Atty.Trisha Baraan ng DBM.—FRJ GMA Integrated News