Itinakda ng isang OFW na maging misyon na pag-uwi sa Pilipinas na isa-isang hanapin ang mga batang nakilala niya sa bahay-ampunan mahigit isang dekada na ang nakalipas. At isa sa mga bata na labis na napalapit sa kaniyang puso at nais niyang makita ay nagngangalang “Adam.” Ang problema, sarado na ang bahay-ampunan. Mahanap pa kaya niya si Adam?
Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, ipinakilala si Raymond Lopez, na nagtrabaho sa Saudi Arabia, at may puso para sa mga ulila at batang kalye.
“Kasi nu'ng bata pa ako, hindi naman kami gano'n kayaman. Tapos meron ding time na nagtitinda ako sa kalye. May nagpapakain din po sa akin dati na willing silang magbigay,” kuwento niya.
Kaya naman isinapuso niya na ipunin ang kaniyang baon para makapag-organisa ng mga outreach program noong working student pa siya.
Higit isang dekada ang nakararaan nang magsagawa ng charity work si Raymond kasama ang mga kaibigan sa bahay-ampunan. Gumawa siya ng listahan ng mga pangalan ng mga bata na tunay na tumatak at nagbigay-aral sa kaniyang buhay.
Pero ang hindi niya malilimutan, ang batang nakilala niya sa tahanan ng Pagmamahal Inc. na si Adam.
“Every time na papasok ako sa gate, nakaabang lagi si Adam, nakangiti,” emosyonal na kuwento ni Raymond. “Siya ‘yung unang unang tatakbo sa ‘yo. Magha-hug agad siya tapos nangangamusta pa siya. ‘Kuya, ang tagal mong bumalik dito. Kailan ‘yung party natin?”
“Akala natin may natutunan 'yung mga bata sa atin pero tayo pala minsan 'yung may matutunan sa kanila. Tinanong ko, ‘Ano bang gusto mong maging paglaki mo?’ Sabi niya, gusto ko pong makapagtapos ng pag-aaral,” kuwento pa ni Raymond, na naantig sa kabutihang loob ni Adam.
“Darating po 'yung panahon na babalik ako sa kagaya nitong institution tapos tutulong naman ako. ‘Yun, natandaan ko ‘yun. Nata-touch talaga ako,” emosyonal na sabi ni Raymond sa sinabi sa kaniya noon ni Adam.
Hanggang sa magdesisyong lumipad si Raymond pa Saudi para magtrabaho. Nangako si kay Adam na bibilhan niya ito ng malaking regalo pagbalik niya. Noong nasa Saudi, inilista niya ang mga batang hahanapin niya kapag makauwi siya ng Pilipinas.
Nagtrabaho siya ng mahigit isang dekada sa Saudi, at naipatayo ni Raymond ang kaniyang dream house sa Pilipinas at nakapag-ipon pa. Nitong Disyembre, nakauwi si Raymond, at isa-isa niyang hinanap ang nasa listahan niya.
Pero kaniyang pangamba, malabo na niyang makita ang batang pinakamalapit sa kaniya, na panglima sa listahan na si Adam dahil sarado na ang bahay-ampunan.
Dahil dito, nanawagan siya sa social media upang mahanap si Adam. Agad na nag-viral ang post ni Raymond at ilan ang nagmensahe na kilala nila si Adam at itinuro ang Facebook account nito.
Dali-dali, nagpadala ng mensahe si Raymond kay Adam De Guzman, na 26-anyos na ngayon at nagtatrabaho na bilang purchasing officer sa Taguig.
Nagsikap si Adam na iahon ang sarili, lalo't lumaki siyang ulila sa kaniyang mga magulang. May kumupkop naman sa kaniya, ngunit hindi naging maganda ang pagtrato sa kaniya.
“Nakaranas kami ng pambubugbog, so tumakas kami,” ani Adam, na nagpalaboy-laboy noon sa kalsada.
Hanggang sa may nakilala siyang madre na naghahanap ng mga batang kupunin para dalhin sa itatayong ampunan.
“Naalala ko kasi, gustong-gusto ko may bumibisita kasi hindi ko nafi-feel na ibang tao ako,” sabi ni Adam.
Sa tulong ng shelter, nakapagtapos si Adam ng elementary, at nakilala rin ang tumayo sa kaniyang ina na si Jennalyn Alicaya.
Nagsikap si Adam at nakapagtapos ng high school. Para makapag-aral ng kolehiyo, naging working student siya, at nagtapos sa kursong business administration na cum laude noong 2022.
“Hangga’t buhay 'yung pangarap sa puso mo, ‘yun 'yung magda-drive sa'yo para abutin 'yung mga pangarap mo. Ngayong kumikita na ako, ibinibahagi ko din. May pinag-aaral kaming anim na bata. So kung dati ako 'yung pinag-aaral, ngayon ako naman 'yung nagpapaaral,” sabi ni Adam.
Hanggang sa isang araw, nakatanggap siya ng notifications at kinabahan sa dami ng mga nag-tag sa kaniya sa isang post-- ang post ni Raymond na humihingi ng tulong na mahanap siya.
Tunghayan sa KMJS ang madamdamin nilang pagtatagpo, at matutupad na ni Raymond ang pangako niya sa batang Adam noon na bibigyan niya ito ng regalo sa kaniyang pagbabalik. Panoorin ang buong kuwento. – FRJ GMA Integrated News
