Inilahad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi iba-ban ang Roblox sa Pilipinas, matapos mangako ang online gaming platform na paiigtingin ang mga paghihigpit sa gitna ng mga alalahanin tungkol sa kaligtasan ng mga bata.

Sa isang pahayag na inilathala nila sa kanilang Facebook page, sinabi ng DICT na lumabas ang desisyon matapos makipagpulong sa mga opisyal at kinatawan mula sa Roblox, Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at mga ahensiya na nagpapatupad ng batas noong Abril 7.

Sa pagpupulong, ibinalangkas ng Roblox ang mas mahigpit pa nitong mga proteksiyon sa platform, kabilang ang mas mahigpit na monitoring, reporting mechanisms, at mga kontrol sa content na naaangkop sa edad.

Idinagdag ng DICT na magsasagawa ang Roblox ng isang information campaign simula Abril 12 para isulong ang mas mahigpit na mga proteksiyon at magbigay ng mga alituntunin sa mga magulang sa wastong paggamit ng platform para sa kanilang mga anak.

Inilahad ng ahensiya ang mga sumusunod na hakbang para matiyak ang kaligtasan ng digital experience ng kanilang mga anak:

  • Pag-monitor sa screen time
  • Pagtatakda ng mga limitasyon sa mga pagbili
  • Pag-block sa mga hindi naaangkop na karanasan
  • Pagpili ng nilalamang naaangkop sa edad

“Digital safety ay responsibilidad ng platform, gobyerno, at bawat pamilya. Sama-sama nating bantayan at protektahan ang kabataang Pilipino sa online space,” sabi ng DICT.

Nauna nang sinabi ng CICC na ang pagbabawal sa Roblox ang huling opsiyon na nais gawin ng mga awtoridad ng Pilipinas.

Ang Roblox ay isang virtual gaming platform kung saan maaaring lumikha at magbahagi ang mga user ng sarili nilang mga laro. Kailangan lamang i-install ng mga user ang application at mag-set up ng profile at avatar para makapagsimula.

Gayunpaman, naglabas ng pangamba ang mga awtoridad tungkol sa hindi pagpapakilala ng mga user, kasunod ng mga ulat na hinihikayat umano ang ilang mga batang user para sa mga ilegal na aktibidad.

Ang pagpupulong sa pagitan ng mga kinatawan mula sa Roblox at ng DICT-CICC ay naganap ilang araw bago ang itinakdang deadline ng ahensiya nitong Abril 10 para tugunan ang mga alalahanin sa kaligtasan ng mga bata. —VBL GMA News