Isang student athlete ng Koronadal na kalahok sa SOCCSKSARGEN Regional Athletic Association Meet ang natuklaw ng cobra na nakapasok sa kaniyang bag habang nasa tinutuluyan niyang quarters sa Sultan Kudarat.
Inilahad ng kasama ng estudyanteng atleta na naganap ang insidente sa quarters ng biktima sa isang paaralan sa munisipalidad ng President Quirino, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.
May kukunin sana ang student athlete na gamit sa kaniyang bag nang makagat ng ahas.
Isinugod ng mga guro ang biktima sa ospital.
Lumabas sa checkup na mababaw lamang ang kagat at hindi pa nailalabas ng cobra ang kamandag nito.
Kasalukuyang nagpapagaling ang estudyanteng atleta habang napatay ang cobra.
Hindi nakadalo sa opening ceremony ng SOCCSKSARGEN Regional Athletic Association Meet ang biktima, pero maaari pa rin naman siyang makasali sa kompetisyon sa mga susunod na araw.
Sinabi ng pamunuan ng eskuwelahan na inayos nila ang nasabing quarters at tinakpan ang mga butas para hindi na makapasok ang mga ahas.
Samantala, sinabi ng local na pamahalaan ng Koronadal na sasagutin nila ang gastos sa pagpapagamot ng estudyanteng atleta. —Jamil Santos/AOL GMA News
