Nasawi ang isang lalaki matapos tumalon mula sa bintana sa ikalawang palapag ng bahay habang tumatakas umano sa isinagawang Oplan Galugad ng mga pulis sa Taguig.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng Taguig Police Station 9 na nagsasagawa sila ng Anti-Criminality Patrol at Oplan Galugad sa Barangay New Lower Bicutan nang maaktuhan ang lalaki at apat niyang kasamahan na gumagamit umano ng ilegal na droga.
Nakuha rin mula sa kanila ang limang sachet ng shabu umano na may tinatayang apat na gramo katumbas na mahigit P27,000.
Naidala pa ng pulisya sa ospital ang lalaki ngunit binawian din ng buhay.
Ang isa niyang kasama, umamin sa paggamit ng droga habang ang iba ay hindi nagbigay ng pahayag.
“Bigla akong tumakbo kasi sir. Hawak ako ng pulis na isa diyan eh. Biglang may tumakbo.
‘Yung pareng Michael na po pala 'yun. Maya-maya po, biglang may kumalabog doon sa kabila ng bahay sa gilid. Hindi ko namalayan kung ano po nangyari dahil huli na po ako nila eh. Biktima lang kami ng droga eh,” sabi ng isa sa mga suspek.
Hindi muna nagbigay ng pahayag ang mga pulis sa Taguig Police Station 9.
Samantala sa Parañaque naman, arestado ang dalawang lalaki matapos mahulihan ng 30 gramo ng hinihinalang shabu.
Giit ng isa sa mga suspek, wala silang alam na may droga sa tinitirahan nilang bahay.
“Sa bahay ito ng tito ko. Mabilis ang pangyayari, hindi ko alam,” sabi ng isa sa mga suspek.
Sa Tramo Street sa Pasay naman, sinita at inaresto ang mahigit 100 katao dahil sa paglabag umano sa ilang ordinansa ng lungsod.
Tatlumpu’t isa ang namataang walang suot na damit pang-itaas sa kalsada.
Samantala, 40 menor na edad ang lumabag umano sa curfew. Marami rin na nag-iinuman sa kalye at naninigarilyo sa pampublikong lugar.
Tatlo naman ang nadiskubreng may arrest warrant na hindi nagbigay ng mga pahayag.—Jamil Santos/AOL GMA News
