May mensahe ang Pambansang Kamao at boxing legend na si Manny Pacquiao kay Anton Vinzon, na bibida sa upcoming Kapuso boxing serye na “Kamao.”
“Hi Anton, good luck sa bago mong show sa GMA. God bless. God is good!” mensahe ni Manny kay Anton sa isang video ng GMA Network, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Hindi naitago ni Anton ang saya sa pagbati sa kaniya ni Manny.
“I’m just really blessed na binigyan po talaga ako ng chance na ma-video greet ng isang Manny Pacquiao. Sana mag-guest din po si Manny Pacquiao dito if ever and sana maturuan niya ako sa mga styling niya sa boxing,” anang Sparkle star.
Makakasama ni Anton sa "Kamao" ang kaniyang ama na si Roi Vinzon, pati na sina Bruce Roeland, Wendell Ramos, Neil Ryan Sese, Katrina Halili at Amy Austria.-- Jamil Santos/FRJ GMA News
