Huli sa akto ng pulisya ang mga ilang kalalakihan habang nagsusugal sa isang lamay sa Sampaloc, Maynila.
Ang mga nahuli, kamag anak daw pala mismo ng namatay. Pero kahit ganon, hinuli pa rin sila ng mga awtoridad.
Ayon sa isa sa mga nahuli, hindi nila alam na bawal pala ang pagsusugal sa lamay.
“Unang una, dumaan po yung barangay, dapat sinabihan nila kami na bawal. Kung alam namin bawal pala kahit may patay, hindi na kami nag-ano kasi ang lakas naman ng loob namin kung magsusugal kami sa labas ng kalsada," sabi ng isa sa nahuli.
Batay sa datos, umabot sa mahigit 50 ang nahuli ng Barbosa Police Station sa paligid ng University Belt.
Karamihan sa kanila, mga nahuling umiinom sa pampublikong lugar.
“Napakahalaga po ng ganitong operasyon lalong lalo na dito sa U-belt kasi dito ang sentro ng universities, mga student kung saan naglalakad lakad lang at hindi sila kinakabahan na baka meron na naman makursunadahan, o di kaya maholdap, mapagsamantalahan,” sabi ni Police Lt. Col. Jolly Soriano, Station Commander ng MPD-14.
Marami rin mga kabataan ang hinuli sa curfew, Itinurn over sila sa barangay at doon sila sinundo ng kanilang mga magulang.
Ayon sa Manila Police District, asahan na ng publiko na magtutuloy tuloy ang ganitong operasyon sa iba't iba't panig ng Maynila
Nitong nakaraang Martes,umabot sa mahigit 1,000 ang nahuli sa Maynila dahil dito. Pinakamarami ang nahuling naninigarilyo sa pampublikong lugar na aabot sa mahigit 500. —VAL GMA News
