Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Dita Angara-Mathay bilang bagong kalihim ng Department of Tourism.
Si Angara-Mathay ay isang batikang lingkod-bayan na may ilang dekada nang karanasan sa trade, investment, at international economic engagement.
Pinalitan ni Angara-Mathay si Christina Frasco, na itinalaga bilang Presidential Adviser for Sustainable and Resilient Communities na may tungkuling palakasin at siguruhin ang patuloy na pagpapatupad ng mga prayoridad na pambansang inisyatibo sa antas ng komunidad.
Bago ang appointment na ito, nagsilbi si Angara-Mathay bilang Commercial Counselor sa Philippine Trade and Investment Center sa Tokyo, kung saan pinamunuan niya ang mga strategic partnership sa Japanese industries, na isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng pamumuhunan, teknolohiya, at turismo sa Pilipinas.
Sumasalamin ang kaniyang pagkatalaga sa pagsusulong ng administrasyon na iposisyon ang turismo hindi lamang bilang isang cultural showcase, kundi bilang isang malakas na tagapagtaguyod ng mga trabaho, negosyo, at maging regional development.
Pinangunahan niya ang mga programang nag-uugnay sa mga pandaigdigang pakikipagsosyo sa mga konkretong resulta sa larangan, na sumusuporta sa pagpapaunlad ng negosyo, pagpapalakas ng mga industriya, at pagpapalawak ng mga oportunidad para sa mga negosyong Pilipino, lalo na ang mga MSME.—Jamil Santos/AOL GMA News

