Nasa Pilipinas pa at muntik nang maaresto sa isang operasyon si Atong Ang, na akusado sa kaso ng nawawalang sabungeros, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Biyernes.
Kinumpirma ni Remulla ang balitang ito sa GMA News Online sa isang mensahe.
Ayon kay Remulla, inilunsad ng mga awtoridad ang operasyon madaling araw ng Huwebes matapos umanong makita si Ang sa kaniyang pinagtataguan.
Tumanggi muna si Remulla na ibunyag ang lokasyon.
Nauna nang sinabi ni Remulla na batay sa intelligence reports, si Ang ay nasa Vietnam ngunit ang mga kamakailang impormasyon ay nagmumungkahi na ang negosyante ay nasa Pilipinas.
Naglabas na ng mga warrant of arrest laban kina Ang at iba pa, na nag-ugat sa maraming bilang ng kidnapping with homicide at kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng kaso ng nawawalang sabungero.
Itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kaniya.
Nauna nang hiniling ng mga awtoridad ng Pilipinas ang pag-isyu ng isang red notice ng Interpol laban kay Ang.
Batay sa kahulugan ng Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa mga tagapagpatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang extradition, pagsuko, o kagayang legal na aksyon.
Nagiging wanted ang mga indibidwal ng mga requesting member country o international tribunal. Ang mga bansang miyembro ay nagpapatupad ng kanilang sariling mga batas sa pagpapasya kung aarestuhin ang isang tao.
Halagang P20 milyon ang gantimpala para sa impormasyong hahantong sa pagkaka-aresto kay Ang.—Jamil Santos/AOL GMA News

