Nagtamo ng tama ng bala sa mukha pero nakaligtas ang isang 42-anyos na babaeng guro matapos siyang barilin ng sarili niyang anak sa Bantay, Ilocos Sur. Ang suspek, wala raw sa tamang pag-iisip nang gawin ang krimen dahil sa dinadalang personal na problema.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente habang natutulog sa kaniyang kuwarto ang biktima noong Linggo ng umaga.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .38 na baril, at sumuko sa mga awtoridad ang 18-anyos na suspek, na posibleng maharap sa reklamong parricide.

Nagpapagaling naman ang biktima mula sa tinamo niyang tama ng bala sa mukha. Wala pa siyang pahayag.

Ayon sa pulisya, inamin ng suspek ang nagawang krimen, at idinahilan na wala siya sa tamang pag-iisip nang mangyari ang insidente.

“Nag-surrender ‘yung anak at nagsabi na siya daw ‘yung bumaril sa kaniyang mother. ‘Yung kuwento ng bata is mayroon siyang dinadalang personal problem. Ganoon nga ‘yung naging takbo, hindi niya na-open ‘yung problema niya kahit kanino. Sinarili niya lang ‘yung problema. Much better sana kung ma-open ‘yung communication between sa parents at sa mga bata para nagagabayan natin,” ayon kay acting Bantay police chief Police Captain Donaldson Pagalanan. –FRJ GMA News