Gulpi ang inabot ng isang lalaki matapos niyang silaban umano ang kaniyang kainuman at magtangka pang pumasok sa bahay kung saan nangungupahan ang biktima sa Malate, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa CCTV ng isang gusali ang tangkang pagpasok ng suspek sa isang bahay gabi ng Abril 18.
Hinarang at hindi pinayagan ng landlord at anak nito ang suspek, hanggang sa binugbog na nila ito.
Dalawang residente naman ang tumulong sa ginugulping suspek, na tumayo at umalis rin kalaunan.
Sinabi ng barangay na tinangka umano ng suspek na patayin ang isang tenant ng bahay kung saan niya sinubukang pumasok.
Kinabukasan, nagtungo sa pulisya ang lalaking binugbog.
“Ang kuwento niya, binugbog siya sa lugar ng Barangay 738. Hindi naman siya magrereklamo. Ang gusto niya lang, makuha ‘yung documents and cellphone niya,” sabi ni Kagawad Richard Llorca ng Barangay 738.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na ilang oras bago ang tangkang pagpasok ng lalaking nabugbog, nakikipag-inuman pa siya sa isang tenant sa rooftop ng bahay.
Hanggang sa mag-away umano ang dalawa at tinangka umanong sunugin ng suspek ang kainuman. Nakahiga noon sa duyan ang biktima, nang bigla siyang buhusan ng alcohol ng suspek at saka sinilaban bago tumakas.
“Nag-inuman sila, then ang nangyari, mayroon silang parang komosyon, tapos bigla siyang sinilaban,” sabi ni Llorca.
Nagkataong may banyo sa rooftop kaya agad na nakapagbuhos ng tubig ang tenant na sinilaban umano, saka siya nagsumbong sa kaniyang landlord.
Nahagip pa sa CCTV ang paglabas sa eskinita ng biktima bago siya dinala sa pagamutan.
Nagtamo ang biktima ng lapnos sa iba't ibang parte ng katawan at patuloy na nagpapagaling sa ospital.
Ang landlord naman, iniinda ang pamamaga ng panga at pananakit ng katawan matapos makialam umano ang dalawang lalaki at tumulong sa suspek na ayaw nilang papasukin.
Desidido ang landlord na sampahan sila ng reklamo.
“Binanatan ako. Sabi ko ‘Huwag kayong makialam dito. Problema namin ito kasi arson kako, sinunog ‘yung…’ Hindi niya alam kung ano ang pangyayari dito sa bahay,” sabi ng landlord.
Sinusubukan pa ng GMA News na kunan ng panig ang dalawang lalaki, pati ang suspek sa panununog na nasa kustodiya na ng Manila Police District.
Nahaharap sa reklamong frustrated murder ang nanunog na lalaki. —Jamil Santos/VBL GMA News
