Matinding kilabot ang naramdaman ng apat na magkakaibigan nang bigla na lang silang makarinig ng tinig ng isang babae na pumapalahaw ng iyak sa dala nilang walkie-talkie habang nasa biyahe. Isa nga kayang kaluluwa na nagparamdam sa kanila lalo pa’t sandali silang tumigil sa isang sementeryo dakong 3:00 am? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Arjhay na madaling araw noong Pebrero 25 nang mangyari ang nakakakilabot nilang karanasan habang patungo sa Valencia, Bukidnon para sa isang rescue, mula sa Davao City.

Dalawa ang sasakyan nina Arjhay. Kasama niya sa isang sasakyan si Jimboy, habang nasa isa pang sasakyan na nakasunod sa kanila sina Louie at Raprap.

Dahil may mga lugar sa kanilang dadaanan na walang cellphone signal, nagpasya ang grupo na magdala ng walkie-takie bilang paraan nila ng komunikasyon sa dalawang sasakyan.

Dakong 1:00 am umano nang simulan nilang bumiyahe. At dakong 3:00 am nang magpasya silang sandaling magpahinga at mag-yosi break. Pero hindi raw kaagad nalaman ng grupo na isang sementeryo pala ang kanilang natigilan.

Nang umalis na sila sa sementeryo, hindi pa sila nakalalayo nang biglang tumunog ang walkie-talkie o radyo, at may nadinig silang batang tumatawa.

Ayon kina Arjhay at Jimboy, hindi nila masyadong pinansin ang boses ng bata sa radyo na agad ding nawala. Inisip umano nilang baka nasagap lang ito sa ibang frequency na karaniwang nangyayari sa mga walkie-talkie.

Ngunit makalipas lang ng limang minuto, muling tumunog ang dalang walkie-talkie nina Arjhay at doon na nila nadinig ang iyak ng isang babae. Pero ang iyak, lumalakas at nagiging palahaw na. Hindi naman daw nagsasalita ang umiiyak na babae.

Sa pag-aakalang may nagbibiro sa kanila, pinakiusapan nina Arjhay at Bimboy ang nasa radyo na tumigil na. Pero ang pag-iyak, nagpatuloy umano ng halos kalahating oras.

Bagaman nasasagap ng radyo nina Arjhay ang umiiyak na tinig, tinawagan nila ang nasa kabilang sasakyan upang alamin kung nadidinig din nila sa kanilang walkie-takie ang umiiyak na babae. Gayunman, tanging sa radyo lang pala ni Arjhay nadidinig ang misteryosong iyak.

Pero lalo pang kinilabutan sina Arjhay nang tawagan sila ng kasama nilang nakasunod sa kanila upang sabihin na may nakasakay sa likod ng kaniyang sasakyan kahit dalawa lang sina doon ni Jimboy.

“Tiningnan namin sa likod, wala naman talagang nakasakay,” sabi ni Jimboy.

Nawala na lang daw ang umiiyak na boses ng babae sa walkie-talkie nang makarating na sila sa overview sa bayan ng Quezon.

Paniwala nina Arjhay, may espiritu na nakapasok sa kanilang walkie-talkie. Upang malaman kung tama ang kanilang paniwala, binalikan nila ang sementeryo at lugar kung saan tumigil ang iyak ng babae kasama ang ilang paranormal investigator.

Muli kayang magparamdam ang misteryosong babae? At ano naman kaya ang paliwanag ng eksperto tungkol sa posibilidad na may masasagap sa ibang gumagamit ng radyo o walkie-talkie? Panoorin ang nakakakilabot na kuwento sa video. – FRJ GMA Integrated News