Isang lalaki ang nasawi matapos siyang malapitang barilin sa ulo ng isa pang lalaki sa Barangay 8, Caloocan City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa CCTV ang pagtambay at pagsandal ng biktima sa isang poste pasado 7 p.m.

Ilang saglit pa, isa pang lalaki ang lumapit sa kaniya saka siya malapitang barilin sa ulo.

Bumagsak ang biktima sa kalsada, samantalang tumakas ang gunman.

“Noong time na ‘yun naglalaro po kami. Tapos may biglang pumutok. Tapos nakita na po namin may bumulagta na lang po. May tama na siya ng baril sa ulo,” ayon sa isang saksi.

Dumating ang pulisya at barangay at nilagyan ng barikada ang pinangyarihan ng krimen.

“Pagdating namin dito ‘yung dugo nagkalat na talaga. Nakahiga na siya riyan,” sabi ni Jerry Tambago, Assistant Ex-O ng Barangay 8.

Nakasuot ng puting sumbrero, puting t-shirt at puting shorts ang biktima, habang nakaitim na jacket at itim na sumbrero naman ang gunman.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima at motibo sa krimen.

“Dayo talaga eh, hindi namin kilala eh. Wala talagang lumapit na mga kamag-anak dito. Kung sino po ang nakakaalam dito at nakakakilala sa nangyari dito, sana lumapit na lang sa amin para makapagbigay din kami ng impormasyon sa kanila,” sabi pa ni Tambago.

Patuloy din ang paghahanap sa tumakas na gunman. —Jamil Santos/VBL GMA News