Naghain si Yasmine Vargas, asawa ng aktor at konsehal ng Quezon City na si Alfred Vargas, ng 20 bilang ng cyberlibel nitong Lunes kaugnay ng umano’y maling mga post sa social media laban sa kaniya at sa kaniyang pamilya.

Sa kaniyang Instagram account, sinabi ni Yasmine na bilang isang ina, hindi na siya maaaring manahimik na lang habang patuloy na nasasaktan ang kaniyang pamilya.

"Kaya pinili naming magsalita hindi dahil gusto naming makipagtalo, kundi dahil mahal namin ang aming mga anak. Para sa kanila, at para sa lahat ng batang nakakaranas ng bullying, naninindigan kami," giit niya.

"Today, I filed 20 counts of cyber libel. Nalulungkot po ako na umabot pa sa ganito. Sinubukan naming idaan sa maayos na pag-uusap noong Pebrero, ngunit sa halip, nagpatuloy ang mga posts sa social media na naglalaman ng maling paratang laban sa akin, sa aking asawa, at sa aming pamilya—even after we chose to remain silent," patuloy niya.

Ayon kay Yasmine, hindi na maaaring magpatuloy pa ito, at iginiit niyang ang mga paratang ay hindi totoo at layunin lamang na sirain ang kanilang pangalan at reputasyon.

"Pinili naming dumaan sa tamang proseso. Nagsampa na po kami ng reklamo at kalakip nito ang aming ebidensya. Tiwala po kami na lalabas ang katotohanan," saad niya.

Hindi tinukoy ni Yasmine kung sino ang mga sinampahan niya ng reklamo.

Sa pagtatapos ng kanyang post, nagpasalamat si Yasmine sa lahat ng nagbigay ng suporta at panalangin sa kanila.

"Hindi po namin ito kakayanin nang kami lang. At sa publiko, nakikiusap po kami: Let us choose kindness. Huwag na po nating dagdagan ang sakit sa pamamagitan ng paninira, haka-haka, o masasakit na salita—lalo na online," aniya. "Bullying, in any form, has no place in our community."

Noong Abril 13, naghain sina Alfred at Yasmine ng reklamo sa Office of the City Prosecutor of Manila laban sa mga magulang ng isang menor de edad na umano’y nambully at nang-abuso sa kanilang anak habang nasa swimming training.

Ayon sa mag-asawa, nilabag ng mga magulang ng menor de edad ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at hindi nila nagampanan ang kanilang legal na tungkulin sa ilalim ng Family Code na bantayan at disiplinahin ang kanilang anak.

Kasunod nito, nagpadala ang aktor na si Rob Sy ng pahayag sa "Fast Talk with Boy Abunda" upang itanggi ang alegasyon na bully ang kaniyang anak.

“Nakasisiguro po kayo na sa likod ng kamera, ako ay isang mapayapang tao at walang kasalanan sa mga ibinibintang sa amin. Ganon din ang aking partner at nag-iisang anak. Siya po ay maayos at responsable naming pinalalaki,” ayon sa pahayag ni Sy.

Sa isang Instagram post, tiniyak din ni Sy na haharapin nila ng kaniyang partner ang reklamong inihain laban sa kanila sa Manila Prosecutor’s Office.—FRJ GMA News