Pinaghahanap ng pulisya sa Toronto, Canada ang dalawang Filipino-Canadian na umano’y sangkot sa isang large-scale retail fraud scheme.

Ayon sa awtoridad, may inilabas nang warrant para maaresto ang mga suspek na sina Danibros Flores, 49, at Remfrance Jusi, 41.

Nahaharap sila sa maraming kaso ng organisadong retail fraud na kinasasangkutan ng artificial intelligence (AI) at mga credential-harvesting technique.

Ayon sa pulisya, mula Setyembre 2025 hanggang Pebrero 2026, tinarget ng isang organisadong grupo ang iba’t ibang tindahan sa Toronto.

Gumamit umano ang mga suspek ng mga AI-enabled tools, kabilang ang smart glasses at mga mobile device, kasama ang mga taktika ng panlilinlang upang makuha ang login credentials at mga password ng mga empleyado.

Ginamit umano ang mga nakuhang kredensiyal ng mga kawani upang makapasok sa mga store systems at ilegal na mag-load ng pondo sa mga gift card sa pamamagitan ng self-checkout terminals.

Iniugnay ng mga awtoridad ang modus sa 112 insidente, na nagdulot ng malaking pagkalugi sa ilang retailer.

Nakilala ng mga imbestigador ang pitong suspek sa pamamagitan ng surveillance footage at koordinasyon sa Central Fraud Intake Office.

Lima na ang naaresto na sina Jeffrey Gelera, 49; Ronald Herrera Reyes, 40; Paul Herron Paje, 44; Vince Villaluz, 26; at Nixcel Gamayon, 44. Kasalukuyan silang nasa “probation.”

Kinasuhan ang lima ng panlilinlang na lampas $5,000, possession of property obtained by crime na lampas $5,000, at hindi awtorisadong paggamit ng computer system upang makagawa ng krimen.

Kinasuhan din sina Flores at Jusi pero nilabag umano ng mga ito ang mga kondisyon sa kanilang paglaya at pinaniniwalaang nagtatago na ngayon.

Humihingi ng tulong ang pulisya ng Toronto sa publiko upang matunton ang dalawang suspek, na may bisa ang warrant sa buong Canada at kabilang sa listahan ng most wanted ng Toronto Police Service.—  Dave Llavanes Jr./FRJ GMA News