Nanawagan ngayong Martes si Senate Deputy Majority Leader at chair ng ethics committee na si Senador JV Ejercito sa kapuwa senador na si Ronald “Bato” dela Rosa na kusang-loob na huwag na munang tumanggap ng kaniyang suweldo at allowances dahil sa patuloy nitong hindi pagdalo sa sesyon ng Senado.
Mula pa noong Nobyembre 2025, hindi na nagpapakita sa publiko at hindi dumadalo sa sesyon ng Senado si dela Rosa sa gitna ng mga pahayag na naglabas na umano ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban sa kaniya.
Kaugnay ito ng ginagawang pagdinig ng ICC sa “war on drugs” na ipinatupad ng dating administrasyon ni Rodrigo Duterte, kung saan nagsilbi noon si dela Rosa na hepe ng Philippine National Police.
“Umaapela tayo kay Sen. Bato Dela Rosa na kusang-loob na hindi muna tumanggap ng sweldo at allowances niya sa Senado,” sabi ni Ejercito sa isang pahayag.
“Gaya ng mga ordinaryong Pilipinong ‘no work no pay,’ lalo’t higit ganoon din dapat ang mga lingkod-bayan. Public service is a public trust, we are all accountable to the people we serve,” dagdag niya.
Nakipag-ugnayan ang GMA News Online sa tanggapan ni dela Rosa para sa komento at iuulat ito kaagad kapag may tugon na.
Iginiit din ni Ejercito na wala pang umiiral na patakarang “no work, no pay” sa Senado, kaya kailangan munang amyendahan ang mga alituntunin upang matugunan ang pagliban ng mga senador.
“As stated before, even by Senate President Sotto, the Senate has yet to establish rules that can compel attendance. Any formal action will take time, as it must go through amendments and proper deliberation,” paliwanag niya.
Nauna nang sinabi ni Ejercito na maaaring maibasura ang ethics complaint na inihain laban kay dela Rosa kaugnay ng patuloy nitong pagliban kung kaagad itong tatalakayin nang hindi pa naaamyendahan ang mga patakaran ng Senado.
Noong nakaraang Huwebes, sinabi ni Ejercito na nakatakda nang ipagpatuloy ng Senate committee on ethics and privileges ang kanilang trabaho matapos makakuha ng sapat na pirma para sa kanilang mga alituntunin, na nakatakda noon para sa publikasyon.
Nakatakda ang susunod na pulong ng komite sa Abril 28, at rerepasuhin ang mga nakabinbing reklamo kung nakasunod sa porma at nilalaman. — Giselle Ombay/FRJ GMA News

