Inihayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ngayong Huwebes na dapat sundin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang mga panawagan na huwag na niyang kunin ang kaniyang sahod at mga allowance dahil matagal na siyang hindi pumapasok sa Senado.

Inulit ni Sotto ang kaniyang mungkahi sa senador na mahigit limang buwan nang hindi nakikita sa Senado, kasunod ng kahalintulad na panawagan na ginawa ni Ethics committee chair Senator JV Ejercito noong Martes.

“It’s best he do it [as soon as possible] to save the Ethics Committee from deciding for him,” anang lider ng Senado.

“I suggested that to the daughter, his Chief of Staff, a couple of months ago. No response,” dagdag ni Sotto.

Nitong Miyerkoles, sinabi ni Ejercito na maaaring maging batayan para ibasura ang ethics complaint laban kay dela Rosa kung kusang-loob na hindi na kukuha ng sahod at mga allowance ang huli.

Hindi pa muling nagpapakita sa publiko si dela Rosa, at hindi na rin dumadalo sa sesyon at mga pagtitipon sa Senado mula pa noong Nobyembre 2025.

Nangyari ito mula nang may lumabas na ulat na mayroon na umanong arrest warrant na inilabas ang International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya. Kaugnay ito ng kaniyang partisipasyon umano sa kontrobersyal na war on drugs campaign ng rehimen ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nakadetine sa ICC.

Inireklamo si Duterte sa ICC ng crime against humanity dahil sa dami ng nasawi sa kaniyang war on drugs campaign.

Naging hepe noon ng kapulisan si dela Rosa sa panahon na ipinatupad ang kampanya ni Duterte laban sa ilegal na droga.

Ang civil society group na “Wag Kang KuCorrupt” ang naghain ng ethics complaint laban kay dela Rosa noong Pebrero dahil sa pagliban nito sa Senado. — Giselle Ombay/FRJ GMA News