Iniulat ng medical examiner na nagkaroon ng “multiple penetrating injuries" ang 14-anyos na dalagita na umano’y pinaslang ng musician na si D4vd sa California, USA. Ang naturang paratang, nauna nang itinanggi ng abogado ng singer.
Natagpuan ang katawan ng biktima sa loob ng trunk ng isang sasakyan na nakarehistro kay D4vd, o David Burke sa tunay na buhay, sa Hollywood noong nakaraang Setyembre 2025.
Bago ang ulat ng medical examiner na inilabas nitong Miyerkules, itinago muna ng mga awtoridad ang detalye tungkol sa paraan ng pagkamatay ng biktima habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Naghain si D4vd ng “not guilty” plea sa kasong first-degree murder at iba pang mga kaso noong Lunes, na parehong araw na iniutos ng hukom na ilabas sa publiko ang autopsy report sa bangkay ng biktima.
Sa ulat, sinabi ng mga medical examiner ng Los Angeles na natagpuan nila ang dalawang "penetrating wounds to the torso" at "dismemberment of the upper and lower extremities."
Ayon pa sa ulat, maaaring ang mga sugat sa katawan ay dulot ng “sharp force injuries" ngunit hindi tinukoy kung anong mga bagay ang maaaring ginamit ng salarin. Nilimitahan din umano ang autopsy dahil sa “extensive postmortem changes," o matinding pagbabago sa katawan ng biktima matapos paslangin.
Nakasaad din na hindi matukoy ang oras ng pagkamatay ng biktima.
Ayon sa mga tagausig, pumunta ang 14-anyos na biktima sa bahay ni D4vd sa Hollywood Hills noong Abril 2025 at pagkatapos ay nawala na.
Sumikat si D4vd noong 2022 matapos mag-viral sa TikTok ang mga kantang nirekord niya gamit ang kanyang telepono para sa kanyang mga Fortnite gaming video, na ang hit na “Romantic Homicide” ang tumulong sa kaniya upang makapirma ng kontrata sa Interscope Records.
Nagtanghal siya sa Coachella music festival noong 2025.
"We believe the actual evidence will show David Burke did not murder Celeste Rivas Hernandez, nor was he the cause of her death," saad ng defense attorney na si Blair Berk nang basahan ng sakdal si D4vd noong Lunes. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News

