Kalahati umano ng populasyon ng mga Pinoy adults ang nagsabing lumala o sumama ang kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan. Habang 26% naman ang nagsabing hindi nagbago ang kanilang buhay, batay sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Huwebes.

Sa naturang survey na isinagawa mula Marso 24 hanggang 31, lumitaw na bumaba ang bilang ng mga tinatawag na net gainers—o ang kaibahan ng mga nagsabing gumanda ang kanilang buhay at ng mga nagsabing lumala—sa iskor na (negative)-26, ang pinakamababa sa nakalipas na apat na taon.

Ang mga nagsabing gumanda ang kalidad ng kanilang buhay, o tinatawag na gainers, ay umabot sa 23% sa mga sumagot sa survey.

Ang net gainers na -26 ay mas mababa ng 19 puntos kumpara sa “fair” na -7 noong Nobyembre 2025, na siya ring pagbaba mula sa “very high” na +12 noong Hunyo 2025 at “fair” na -2 noong Setyembre.

Karamihan sa mga respondent na nagpataas sa bilang ng mga lumalala ang pamumuhay ay nasa Mindanao at Metro Manila, na kapuwa nakapagtala ng mababang -31, bagaman sinabi ng SWS na may “sharp decreases” sa lahat ng lugar.

Isinagawa ang SWS survey tungkol sa pagbabago sa personal na kalidad ng buhay mula noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng harapang panayam mula Marso 24 hanggang 31, at gamit ang tanong na: "Kung ikukumpara ang uri ng inyong kasalukuyang pamumuhay sa nakaraang 12 buwan, masasabi ba ninyo na ang uri ng inyong pamumuhay ay mas mabuti kaysa noon, kapareho ng dati, o mas masama kaysa noon?"

Mayroong 1,500 adult respondents sa survey, at may ±3% margin of error sa national percentages. — Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA News