Inilabas ng pulisya ang mga larawan ng mga suspek na sangkot sa pamamaril sa EDSA-Timog sa Quezon City nitong Martes na ikinasawi ng dalawang lalaking sakay ng isang kotse. Kasabay nito, pinaigting ng mga awtoridad ang manhunt operations laban sa mga suspek.
Sa isang press briefing nitong Miyerkoles, ipinakita ni Quezon City Police District (QCPD) Station 10 commander Police Lieutenant Colonel Zachary Capellan, ang mga larawan ng mga suspek bago at pagkatapos ng pamamaril.
Ayon sa pulisya, dakong 3:40 pm nitong Martes nang pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang isang puting sasakyan na lulan ang dalawang biktima na isang 75-anyos na negosyante at kaniyang 51-anyos na drayber.
Kapwa nagtamo ng maraming tama ng bala ang mga biktima at kalaunan ay idineklarang patay sa isang kalapit na ospital.
Ayon sa pulisya, nahagip sa CCTV ang pagtakas ng mga suspek na sakay ng motorsiklo. Nakita kalaunan ng mga awtoridad ang iniwang motorsiklo sa Scout Rallos, kasama ang mga helmet, mask, at iba pang bagay na pinaniniwalaang ginamit ng mga salarin.
Matapos magpalit ng damit, naglakad lang umano ang mga suspek. Nakita sila sa Scout Ybardolaza, Timog, Scout Torillo, at Scout Borromeo, at sumakay ng traysikel patungo sa isang botika sa Quezon Avenue.
Pagkatapos nito, sumakay sila sa isang pampasaherong jeep.
Nang tanungin kung paano nakatakas ang mga suspek sa kabila ng mga aksyon ng pulisya, sinabi ni Capellan: “Wala po kaagad tayong makuhang saksi maliban sa dalawang MMDA traffic enforcers na naka-duty sa lugar. Siguro ang ibang bystanders, wala po kaming makuhang impormasyon mula sa kanila maliban sa MMDA traffic enforcers.”
“Sila po nagsabi na may ibang tao na sinasabi nagpunta ng South Triangle, but we rely on the statement of the two traffic enforcers,” dagdag niya.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang motorsiklong ginamit ng mga suspek ay mayroon umanong MV file number na hindi tumutugma sa rehistro nito, na nagpapahiwatig na maaaring doble o peke.
Ayon pa sa mga awtoridad, hindi bababa sa 12 piraso ng ballistic evidence ang narekober mula sa crime scene.
Tinitingnan ng pulisya ang posibilidad na planado ang pag-atake, batay sa mga indikasyong maaaring minanmanan muna ang mga biktima bago ang pamamaril.
Isang special investigation team ang binuo upang tukuyin at mahuli ang mga salarin.
Hinimok ng pulisya ang publiko na itawag sa emergency hotline kung may impormasyon sila na makatutulong para malutas ang kaso, Tiniyak nila ang confidentiality o hindi malalaman ang pagkakakilanlan ng magbibigay ng impormasyon. — Joviland Rita/FRJ GMA News

