Namamatay ang ilang alagang hito sa ilang fish pond sa Davao City dahil sa mainit na panahon at hindi napapalitang tubig.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabi ng isang fish pond owner sa Barangay Los Amigos, na hindi sila makapagpalit ng tubig dahil kulang ang suplay.
Dahil dito, mabilis na pagka-pollute o pagdumi ng tubig sa fishpond.
Nag-aalinlangan din ang may-ari na gumamit ng water pump dahil sa dagdag-gastos.
Nag-abiso na ang Office of Civil Defense Region 11 sa mga lokal na pamahalaan na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda.
Samantala sa Antipas, Cotabato, nagrarasyon na ng tubig sa ilang barangay.
Nag-iikot ang mga water tanker kada araw, habang mahaba ang pila ng mga residenteng gustong maka-igib ng tubig. – Jamil Santos/FRJ GMA News
