Natagpuang patay at may mga pasa sa hita, bukod pa sa sugat at pamamaga sa pribadong parte ng katawan, ang isang person deprived of liberty (PDL) sa Cebu City Jail.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, nakasaad sa death certificate ng yumaong PDL na sudden cardiac death due to acute coronary syndrome ang ikinamatay nito.

Lumabas naman sa autopsy report na may mga senyales na binugbog at naghihirap ang inmate bago pumanaw. Natagpuan siyang nakahandusay.

Sinabi rin ng forensic examiner na nakitaan ng defensive wound ang PDL at tila hindi lang siya isang beses binugbog.

Patuloy ang Bureau of Jail Management and Penology Central Visayas sa pag-iimbestiga sa pagkamatay ng lalaking PDL na may kasong statutory rape.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng PDL. — Jamil Santos/ VDV GMA News