Hinahanap na ng Quezon City Police District (QCPD) ang driver ng isang kotse na sangkot sa isa namang insidenteng “gas-and-run” sa isang gasolinahan sa kahabaan ng Mindanao Avenue sa Quezon City.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng QCPD na naganap ang insidente dakong 3:16 am noong Linggo sa Barangay Bahay Toro.

Ayon sa QCPD, sakay ng isang asul na sedan ang driver na nagpakarga ng gasolina na umabot ang halaga sa P1,500 bago tumakas nang hindi nagbabayad.

Agad na iniulat ng gasoline station attendant ang insidente, at mabilis na rumesponde ang mga awtoridad na naglabas din ng flash alarm.

Sinabi ng pulisya na pinoproseso at sinusuri na nila ang mga kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera mula sa gas station at mga kalapit na establisimyento upang matukoy ang pagkakakilanlan ng driver.

Nanawagan ang QCPD sa publiko na manatiling mapagmatyag at makipag-ugnayan sa mga awtoridad.

"Individuals who may recognize the suspect seen on CCTV footage are advised to report to the nearest police station or contact emergency hotlines, including E911 or the QC Helpline 122, to assist in the suspect’s identification and possible arrest," saad ng QCPD. — Joviland Rita/FRJ GMA News