May hawak umanong kopya ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Senador Ronald 'Bato' dela Rosa, na planong isilbi kaya nasa Senado ang mga awtoridad nitong Lunes, ayon kay dating Senador Antonio Trillanes IV.

Ayon kay Trillanes, ang naturang arrest warrant ay kaugnay din sa crimes against humanity case na kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Idinagdag ng dating senador na nasa Senado rin siya para tuparin ang “hiling” ni Dela Rosa noon sa kaniya na sumama sa pagsisilbi ng arrest warrant laban sa kaniya.

READ: Bato to Trillanes: Make My Day

“Personal request [ni Dela Rosa] na samahan ko raw pag-aarestuhin siya. Nandito ngayon para arestuhin siya, kaya nandito ako. Nandito ang NBI, aarestuhin siya,” sabi ni Trillanes sa mga mamamahayag.

Ang tinutukoy ni Trillanes ay ang pahayag ni Dela Rosa noong May 2024 na sinabi ng huli na: "“Go ahead!! Make my day!! Mr. Trillanes… Kahit sumama ka pa mag-serve ng warrant. Sumama ka, ikaw mismo mag posas sa akin.”

Samantala, inihayag ng Department of Justice (DOJ) ngayong Lunes na hindi pa nila nakita o natanggap ang umano’y warrant.

Nitong Lunes, dumalo sa sesyon si Dela Rosa kung saan bumoto siya pabor sa pagpapalit sa liderato ng Senado. Hindi nakikita ang senador sa plenaryo mula pa noong Nobyembre 2025.

Sa nangyaring pagpapalit ng liderato, napatalsik bilang Senate President si Tito Sotto, at ipinalit si Sen. Alan Peter Cayetano.

Bago ang botohan para sa pagpapalit ng Senate President, sinabi ni Dela Rosa na hinarang siya ng mga tauhan ng NBI. –Sundy Locus/FRJ GMA News