Iginiit ng Malacañang nitong Lunes na “hindi inatake” ang Senado, kasunod ng nangyaring pamamaril sa kapulungan noong nakaraang linggo,

Sinabi ito ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa isang press conference bilang tugon sa pahayag ni Senador Imee Marcos, na nakababahala umano ang ginawang paglusob at pagpapaputok ng baril ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).

“Senate siege? Was it under attack? It was not. The Senate was not under attack. You can see that from the news, not only from the statements of the NBI and PNP (Philippine National Police). It was only the statement made by Senator Alan Cayetano,” ani Castro.

“So, as far as we are concerned, as far as the government is concerned, the Senate was never under attack,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Castro na ito rin ang posisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Gayunman, umiwas siyang sagutin kung naniniwala ba ang Malacañang na “gawa-gawa” lang shootout.

“I cannot say anything about that. I cannot make a judgment if it is staged, orchestrated, planned. But you can assess that from the reports also made by some journalists, some reporters. So, kayo na po ang mag-assess,” sabi ni Castro.

Nangyari ang insidente ng pamamaril sa Senado noong nakaraang Miyerkules, kasabay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa. Kaugnay ito ng kaniyang papel sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nauna nang hiniling ni Imee Marcos sa kaniyang kapatid na Pangulo na suspendihin ang tatlong opisyal ng NBI, kabilang si Director Melvin Matibag, kaugnay ng insidente ng pamamaril sa Senado.

Nanindigan naman ang Malacañang na walang pagkukulang ang NBI.

“There was no failure on the part of the NBI agents. Hinarang sila,” ani Castro.

Nauna nang sinabi ng Pangulo na walang kinalaman ang gobyerno sa insidente ng pamamaril. Itinanggi rin niya na nagbigay siya ng utos na arestuhin si Dela Rosa.— Giselle Ombay/FRJ GMA News