Inihalal sa Senado si Senador Mark Villar bilang bagong tagapangulo ng makapangyarihang Senate Committee on Finance, kapalit ni Senador Sherwin Gatchalian.
Si acting Senate Majority Leader Sen. Joel Villanueva ang nagmosyon para mahalal si Villar bilang chairman ng komiteng tumatalakay sa panukalang general appropriations bill o ng pambansang budget.
Dahil walang tumutol mula sa plenaryo, inaprubahan ang mosyon ni Villanueva upang italaga si Villar sa naturang posisyon. Si Senate President Pro Tempore ang namuno sa sesyon.
Noong Lunes, nagtalaga rin ang Senado ng mga bagong chairperson para sa ilang permanenteng komite kasunod ng pagbabago sa liderato ng kapulungan noong nakaraang linggo.
Sa naturang sesyon, inanunsyo ni Villanueva ang sumusunod na committee assignments ng mga senador:
- Ways and Means — Pia Cayetano
- Energy — Pia Cayetano
- Sustainable Development Goals Innovation and Futures Thinking — Pia Cayetano
- Culture and the Arts — Loren Legarda
- Basic Education — Loren Legarda
- Health — Bong Go
- Sports — Bong Go
- National Defense and Security — Jinggoy Estrada
- Games and Amusements — Jinggoy Estrada
- Public Information and Mass Media — Robin Padilla
- Cultural Communities and Muslim Affairs — Robin Padilla
- Higher Technical and Vocational Education — Joel Villanueva
- Public Services — Rodante Marcoleta
Ginawa ang mga pagtatalaga kasunod ng pagkakahalal kay Sen. Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President noong nakaraang Lunes, kapalit ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III.
Hindi pa rin nakakapili ang Senado ng bagong Majority Leader matapos tanggihan ni Sen. JV Ejercito ang alok ng majority bloc na kunin ang posisyon.
Ang Senate Committee on Finance ang nangangasiwa sa lahat ng usapin kaugnay ng pambansang pondo, gastusin ng gobyerno, at pagkakautang ng bansa.
Pangunahing tungkulin nito ang pagrepaso, pag-amyenda, at pagsusulong ng panukalang General Appropriations Bill upang matiyak na maayos na naipapamahagi ang pondo sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Malugod namang tinanggap ni Gatchalian ang pag-upo ni Villar bilang pinuno ng makapangyarihang komite.
"Si Mark, marami na rin siyang dinaanan ng mga iba't ibang posisyon. Galing siya sa isang business family, so naiintindihan niya ang finance," ani Gatchalian.
"Humawak siya ng malaking departmento like DPWH, so naintindihan niya yung takbo ng public finance. So ako naman, nakikita ko na magiging maayos naman yung takbo ng finance committee," dagdag niya.
"Ang Finance Committee kasi is a position of trust... 'Yan ang, for me, isa sa pinaka-powerful, kung hindi pinaka-powerful, na committee dahil hawak mo yung pera ng buong bansa. At every line, dagdagan mo lang ng 1-0, dagdagan mo lang ng dalawang 0, iba na yung ibig sabihin ng budget," ayon pa sa senador.—Sundy Locus/FRJ GMA News

