Mabenta sa mga turista ang kalendaryo na tampok ang mga “sexy priest” na makikita sa halos bawat tindahan at kiosk sa Roma. Pero ang itinuturing "star" na modelo sa kalendaryo, umamin na hindi siya kailanman naging pari.
Sa ulat ng Agence France-Presse, tinukoy ang star “sexy priest” na si Giovanni Galizia, 39-anyos, at instructor ng mga flight attendant.
Sa isang panayam sa pahayagang Repubblica noong Lunes, ikinuwento niya na nagsimula ang lahat noong 17-anyos lang siya, at isinuot niya ang kasuotang pari bilang biro lamang, kasama ang isang photographer.
"I don't see anything sexy in that photo... there's nothing sensual about it," sabi ni Galizia sa panayam tungkol sa larawang tampok sa “Calendario Romano,” isang taunang kalendaryo na naglalaman ng larawan ng diumano’y mga pari para sa bawat buwan.
Ngayon, ayon sa kaniya, "time has passed, and it shows."
"What I can assure you is that I was never a priest," dagdag niya, at sinabi rin niyang maaaring peke rin ang ibang inaakalang pari sa kalendaryo.
Maraming turista ang bumibili ng naturang kalendaryo na nagkakahalaga ng mahigit 10 euro ($11.65), bilang alaala ng kanilang pagbisita sa sentro ng Simbahang Katolika, na hindi naman lahat ng pari ay kasing guwapo ni Galizia.
Noong 2004, nakilala niya ang isang photographer na gustong ipakita ang iba’t ibang lungsod sa Italya sa pamamagitan ng mga larawan na, "Venice with gondoliers, and Rome with priests."
"At one point he asked me if I wanted to participate. It was a game, he had everything ready," kabilang na ang kasuotang pari, ayon kay Galizia.
Kinunan ang larawan sa Palermo at hindi raw siya humingi ng kahit isang euro bilang kapalit.
Ayon kay Galizia, kahit sikat ang kaniyang mukha sa Roma, maaari pa rin siyang mamuhay nang hindi nakikilala sa ibang lugar.
Ang mga kaibigan daw niyang bumibisita sa kabisera, palagi pa siyang pinapadalhan ng kalendaryo na siya ang nakalagay. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA News

