Lumutang ang pangalan ni Dingdong Dantes sa isang survey para sa Senate pre-election sa darating na halalan sa 2028. May plano kaya siyang sumabak sa mundo ng pulitika?

“Tanong ko pa rin sa ‘yo ‘yun ngayon. May balak ka pa ba?” tanong ni Jessica Soho kay Dingdong sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.”

“Malinaw po sa akin na ang focus ko talaga ay dito sa industriyang ito. Dito sa pagiging aktor,” tugon ni Dingdong.

Dugtong na tanong ni Jessica, “Wala kang balak?”

“Wala po,” tugon ng Kapuso Primetime King.

Sa kabila nito, itinutuon ni Dingdong ang kaniyang oras sa pagtulong sa kapwa at inumpisahan niya ito sa mga nakakatrabaho niya mismo.

Tumatayo si Dingdong bilang chairman ng Aktor PH o League of Filipino Actors, organisasyon na naglalayong protektahan at suportahan ang kapakanan, karapatan, pati na career development ng mga aktor sa Pilipinas.

Kasama pa ang iba pang mga nagtatrabaho sa likod ng camera sa pelikula at sa telebisyon.

“Una, hindi lang naman po ako ang nakaisip noon. It was a collective effort of a group of actors.

Nag-umpisa siya kasi nu’ng panahon ng pandemic. Nu’ng panahon na marami tayong mga uncertainties, marami tayong tanong sa industriya, sa sarili natin, sa kalusugan, maraming fears. Pero higit sa lahat, noong conversations po na ‘yun, doon nangibabaw ‘yung mga hopes,” paliwanag ni Dingdong.

“Ang sarap lang ng pakiramdam na kabilang ka sa isang community ng mga taong nagmamalasakit,” dagdag pa niya.

Ipinagdiriwang ni Dingdong ang kaniyang ika-30 anibersaryo sa industriya.

Gumaganap siya ngayon bilang si Atoy sa Kapuso drama action series na “Master Cutter,” na mapanonood ng 8 p.m. sa GMA Network. – FRJ GMA News