Kinagiliwan at kinamanghaan ang isang limang taong gulang na bata mula sa Albuera, Leyte dahil may kakayahan umano siyang pailawin ang bumbilya gamit lang ang kaniyang ilong. May paliwanag naman kaya ang siyensiya tungkol dito?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang aktuwal na video ni Kizier “KaiKai” Pepito, na kaya umanong pailawin ang mga bumibilya gamit lamang ang butas ng kaniyang ilong.

Nabili ng pamilya ni KaiKai kamakailan sa department store ang inverter bulb o emergency light, na kusang bumubukas kapag brown out.

“Pinasok ko sa ilong ko. Sinubukan ko kung iilaw talaga. Nu’ng pinasok ko sa ilong, umilaw. ‘Pa, tingnan mo oh meron akong superpower. Kayo wala!’”

Unang nakakita sa tila super power ni KaiKai, ang kaniyang tiyahing si Jundina Embayarte.

Sinubukan ng ilan nilang kasama na pailawin ng bumbilya, pero hindi ito gumana.

Paliwanag naman ng ina ni KaiKai na si Jeniba Pepito, sadyang malikot ang imahinasyon ng kaniyang anak.

“May makikita siyang siguro naku-curious siya. Bigla niyang ilalagay dito (ilong) or dito (tenga),” sabi ni Jundina.

“Natakot ako baka kasi anong mangyari sa kaniya eh,” sabi ni Jeniba, na sinabihan ang kaniyang anak na huwag na itong ulitin.

Upang mabigyang-linaw ang kakatuwang kakayahan umano ni KaiKai, sinuri ito ng physicist na si Engr. Marlon Sacedon.

“'Yung ilong ni KaiKai ay isang conductor. Kasi normally, ang human body is a kind of conducting material. So noong pinasok ito (bumbilya) sa loob ng ilong ni KaiKai, nag-contact 'yung dalawang terminal,” paliwanag ni Sacedon.

“Umiilaw 'yung bulb pag hinawakan ni KaiKai, kasi nakita ko sa video na medyo may pawis siya. Kasi 'yung switch, pinatawag yan sa scientific na electrolytes. Ibig sabihin, iyon ang nag-transfer ng mga molecules papuntang circuits. Ibig sabihin, iilaw,” ayon pa sa inhinyero.

Ayon kay Sacedon, madalas na maninipis pa ang balat ng mga bata kaya maliit din ang resistance nito at aakyat ang tinatawag na conductivity.

Taliwas ito sa balat ng mga matatanda, na makapal at tuyo ang balat.

Nang makaramdam ng init at nagpapawis din ang mga kamag-anak ni KaiKai, namangha sila na umilaw din ang bumbilya nang idikit nila ito sa kanilang mga balat.

“Kitang-kita natin na umilaw 'yung bulb kasi 'yung liquid nandu’n sa body,” sabi ni Sacedon.-- FRJ/GMA News