Nasawi ang isang 62-anyos na senior citizen matapos siyang gulpihin ng anim na lalaki sa Bongabon, Nueva Ecija. Ang mga suspek, arestado.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon na bumaba ng tricycle sa harap ng kaniyang bahay ang lalaki.

Kalaunan, pinalo siya sa likod ng isa sa mga suspek.

Hinabol ng biktima ang namalo sa kaniya ngunit sumunod na ang iba pang mga suspek at ginulpi na siya.

Nahinto lamang ang pambubugbog matapos pumagitna ang mga kaanak ng biktima.

Dinala sa ospital ang lalaki pero idineklarang dead on arrival.

Ayon sa asawa ng biktima, dati nang nakaaliitan ng mister ang isa sa mga nambugbog sa kaniya.

Nahuli ang anim na lalaki na sangkot sa pagpatay sa senior citizen.

Tumanggi ang mga suspek na magbigay ng pahayag. —Jamil Santos/AOL GMA News