Pinaghahanap ang dalawang riding-in-tandem matapos silang makunan sa CCTV na tinutukan ng baril ang isang lalaki at tinangay ang kaniyang motorsiklo sa Barangay Santo Niño, Marikina.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang pagtigil ng tatlong motorsiklo sa bahagi ng Santisimo Street nitong Lunes.

Ilang saglit pa, bumaba ang dalawang angkas habang tinutukan ng baril ng isa sa mga nagmamaneho ng motorsiklo ang lalaking nakaputing t-shirt.

Hanggang sa kinuha na ng mga salarin ang motorsiklo ng biktima, na sinakyan ng isa sa mga angkas.

Hinubad ng biktima ang kaniyang helmet at napaupo na lang sa gilid habang pinagmamasdang tinangay papalayo ang kaniyang motorsiklo.

Sinabi ng isang saksi na akala niyang magkakasama lang ang mga sakay ng motorsiklo.

Hindi niya namukhaan ang mga salarin dahil nakasuot sila ng helmet.

“Ginitgit nila ang isa. Nu’ng pagbaba, akala ko mag-aaway lang. Sisitahin ko sana kaso biglang naglabas ng baril 'yung isa. Kinasa, tinutok doon sa ano. Tapos dumapa na lang 'yung biktima. Pagkadapa, sumakay na 'yung isa doon sa motor niya. Doon tumakbo na sila agad,” sabi ng saksi.

Ayon sa ulat, residente ng Barangay Santo Niño ang biktima na magpapalinis lang sana noon ng kaniyang motorsiklo.

“‘Yung victim po, nagpunta po rito sa barangay at nagreview ng CCTV. 'Yung unang CCTV na nakita, nakasunod na 'yung mga suspect. So pagdating dito sa malapit na, doon siya tinutukan kaya nakuha 'yung motor niya. Tapos pagkatapos tumakbo na rito 'yung naagawan ng motor,” sabi ni Manuel Angeles, tanod ng Barangay Santo Niño.

Iniulat na rin ang insidente sa pulisya, habang sinusubukan pa ng GMA News na kunan ng pahayag ang biktima.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga riding-in-tandem, na posibleng maharap sa reklamong theft, illegal possession of firearms and ammunition, at reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016. —Jamil Santos/VBL GMA News