Sa gitna ng global warming, regular at patuloy ang “pagtibok” ng Antarctica, na tinaguriang “heartbeat of the planet” sa loob ng maraming taon. Ngunit 2015 nang magkaproblema sa itinuturing “pulso” ng mundo. Bakit dapat ikabahala sa patuloy na pagbigay o pagtibag ng yelo sa Antarctic Sea Ice?
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing ang Antartika ang pinakatuyo, pinakamahangin at pinakamalamig na kontinente sa mundo.
Nababalot ng yelo ang 98% ng landmass nito, pati ang dagat sa paligid nito.
Lumalawak ang Antarctic Sea Ice tuwing autumn at winter, at nababawasan pagdating ng spring.
Bukod sa tila pagtibok nito, may iba pang dahilan kung bakit tinawag na “heartbeat of the planet” ang Antarctica.
Sa tuwing nagiging yelo ang tubig-dagat, naiimbak ang asin sa iba pang bahagi ng tubig at lumulubog sa ilalim ng dagat.
Mahalaga ang prosesong ito sa global ocean circulation, kung saan nakadepende sa dagat ang distribution ng oxygen at nutrients at nakasalalay ang buhay ng maraming species.
Nagsisilbi ring proteksyon ang sea ice mula sa sobrang pag-init ng mundo, na mistulang salamin na nagbabalik ng solar energy pabalik sa space.
Kung wala ang sea ice, maa-absorb ng dagat ang init, at makaaapekto sa global climate at mga ecosystem.
Sinasangga rin ng sea ice ang mga alon bago umabot ang mga ito sa ice shelves.
Kaya sa oras na maglaho ang sea ice, agad na mapipinsala ng mga alon ang Antarctic ice shelves na posibleng humantong sa labis na pagtaas ng level ng tubig sa dagat, at mabubura sa mapa ang ilang lugar.
Hindi naitago ng mga siyentipiko ang kanilang pagkabahala dahil nitong 2015, mabilis na nalusaw ang malaking bahagi ng Antarctic sea ice.
Bahagyang naka-recover ang yelo noong 2020 at 2021, ngunit pagsapit ng 2022, maituturing na record-breaking ang pagkakatibag ng yelo sa Antarctica.
Ayon sa mga siyentipiko. malamig at nagyeyelo ang freshwater sa surface ng dagat at nasa ilalim ang mas mainit at maalat na tubig sa South Pole.
Pero noong 2016, naghalo ang mainit na tubig sa ilalim at ang malamig na surface water, kaya napigilan ito ang pagbuo ng yelo, dulot ng nagbagong wind patterns at ocean currents.
Makabawi pa kaya ang Antarctic Sea Ice?
Ipinaliwanag ni Dr. Nerilie Abram, isang siyentipiko sa Australian Antarctic Division, maliit ang tiyansang maibabalik pa sa dati ang yelo sa dagat ng Antarctica.
“Once you've put heat into the ocean, it's really difficult to get that heat out, and the ocean is going to continue to take up heat... I don't see a way that the Antarctic sea ice is going to bounce back from that,” sabi ni Abram.
Kaya naman sa mga susunod na taon, posible pa umanong mas kumonti pa ang populasyon ng emperor penguins at dapat paghandaan ang mas mabilis na sea level rise.
Samantala, patuloy ang mga siyentipiko sa pag-aaral kung gaano kabilis malulusaw ang sea ice at kung makakaligtas ang ating mundo sa mga posibeng epekto nito. – Jamil Santos/FRJ GMA News
