Nasawi ang isang 20-anyos na lalaki nang maaksidente habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Kidapawan City. Pero bago ang aksidente, nakatakas muna siya mula sa mga kalalakihang gumulpi sa kaniya.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, makikita sa video footage na hinabol ang biktima ng isang grupo ng mga lalaki bago siya nakorner at pinagtulungan sa paradahan ng mga motorsiklo.

Nagawa naman niyang makapiglas at makatakas mula sa mga nananakit sa kaniya at nakapagmaneho ng motorsiklo. Pauwi na sana ang biktima sa Barangay Magpet nang naaksidente siya at bumangga sa poste

Dinala siya sa ospital ngunit nasawi habang ginagamot.

According to the victim’s mother, her son went to a bar to meet his girlfriend.

Ayon sa ina ng biktima, pumunta ang kanyang anak sa isang bar upang makipagkita sa kaniyang nobya.

Nagsimula umano ang gulo nang suntukin ng kaniyang anak ang isang lalaki na umano’y nambastos sa kaniyang kasintahan. Dahil dito, hinabol ng ilang kalalakihan at binugbog ang biktima.

Naniniwala ang ginang na ang mga tinamong pinsala ng kaniyang anak sa pagkakagulpi ang naging sanhi ng aksidente.

Ayon sa pulisya, head injury ang sanhi ng pagkamatay ng biktima batay sa medical findings.

Dahil dito, hindi pa maaaring sampahan ng kasong homicide ang siyam na lalaking umano’y nanakit sa biktima, at sumuko sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

“Depende, kasi yung altercation na nangyari doon sa inuman, accordingly, itong namatay ang unang sumuntok doon sa mga binatilyo. Imbestigahan pa natin,” sabi ni Kidapawan City Police Chief, Lt. Col. Argie Celeste.

Humiling ang pamilya ng biktima na isailalim sa awtopsiya ang labi ng biktima upang matukoy kung ang sanhi ng pagkamatay nito ay dulot ng aksidente o ang pambubugbog. – FRJ GMA News