Namangha ang ilang residente matapos nilang makita ang puno ng “Hala,” na may bunga na mukhang pinya sa Daet, Camarines Norte. Kinuha nila ang bunga at tinikman. Ligtas nga bang kainin ang bunga na ito? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” ipinaliwanag ni Kuya Kim na isang tropical fruit ang Hala mula sa puno ng Pandanus, at kilala rin sa tawag na screwpine o exploding planet, dahil tila planeta ito na nabiyak sa gitna.
Ngunit sa Pilipinas, “Pandan Dagat” ang karaniwang tawag ng mga lokal sa Hala.
Madalas na makikita ang Pandan Dagat sa mga tropical region at island na malapit sa Pacific.
Si Aldrin Villagracia, isang lokal sa Camarines Norte, matagal nang nangunguha ng bunga ng Hala.
“Matagal na po kaming nakatira rito sa gilid po ng dagat o tabing dagat. Meron siyang bunga, na kapag overripe na, usually talaga noon, ‘yun ‘yung kinakain namin, ‘yung nuts sa loob,” paliwanag niya.
Kamag-anak ng Pandan ang Hala. Ngunit ang kanilang pinagkaiba, mas mahaba, matigas at matinik ang mga dahon ng Pandan Dagat.
Hindi katulad ng Pandan, hindi nagagamit na pampabango ng pagkain ang dahon ng Hala, kundi mas ginagamit ito sa paggawa ng mga kagamitan sa bahay.
Madali mang pitasin ang bunga ng Hala, mahirap naman itong buksan at kailangan pang ihampas sa bato.
Pero sa huli, matitikman ang Hala na puwedeng nguyain ang laman ng kada segment o “key” nito. Matapos nguyain at nakuha na ang katas ng Hala, iluluwa ang natitirang hibla nito na tila sugarcane lamang.
Si Aldrin, na sumabak na rin sa pagba-vlogging para maitampok ang iba’t ibang recipe sa Camarines Norte, nakagawa ng magandang content dahil sa Hala.
Pumatok ito sa kaniyang followers, lalo na nang gawin niyang fruit soda ang Hala.
“Kasi tinikman namin ‘yung flesh niya, may tamis siya. Sa pag-experiment ng mga prutas, sinubukan kong gawin ‘yun. Hala fruit wine ‘yung tawag ko noon. It turns out na okay siya. Sinubukan namin ihalo siya sa pagluluto and puwede-puwede rin pala,” sabi ni Aldrin.
Nang unang beses niyang itampok ang Hala bilang content, dumami ang na-curious at gustong bumili sa kaniya nito.
Ligtas naman bang kainin ang bunga ng Hala?
“Safe naman po siyang kainin. Actually, ‘pag tiningnan niyo nga po siya para lang din po siyang pinya, may matigas po siyang balat na kailangan niyo lang pong tanggalin,” sabi ni Lois Anne Manansala, nutritionist - dietician.
Bukod dito, may ibang sustansiya ring taglay ang Hala fruit.
“Mayaman po ito sa vitamins o sa mga anti-oxidants. Mayroon po itong fiber na nakakatulong po sa ating pagtunaw,” sabi pa ni Manansala.
Nakakalinis din ng kidney ang herbal extract mula sa ugat ng Hala, samantalang mabuting panlaban sa headache, arthritis at stomach spasm ang dahon nito.
Itinuturing ding ang Hala na aphrodisiac, o pampagana sa loving-loving.—FRJ GMA News
