Ikinuwento ni Barbie Forteza na nag-walkout siya noon sa isang guesting sa telebisyon dahil sa unprofessional na inasal umano ng production team.

“Wala na po. Matagal na po ito talaga. Binabalik na lang namin,” pagklaro ni Barbie sa isang episode ng podcast na “Trggrd!”

“Puyat ako noon galing taping. Tapos, ang call time was 11 a.m. sa may Pasay. So, nakiusap kami the night before kasi nga, parang 1 a.m. hindi pa ako pinapakawalan ng set, 'yung taping ko,” pagpapatuloy niya.

Dahil dito, humiling sina Barbie na magpa-adjust sa production team, ngunit hindi ito pumayag dahil may mga susunod pang guest.

“So andoon kami ng 11 a.m. So kahit puyat, kahit 7 a.m. natapos, ando’n ako ng 11 (a.m.),” ani Barbie.

Gayunman, malapit nang mag-1 p.m., hindi pa rin sinasalang si Barbie.

“Malaman-laman namin ni mama, may inunang guest, na hindi naman bigger star. Parang I wouldn't consider that person a bigger star. Pero parang mas close lang kasi doon sa director. Hindi naman siya puyat,” kuwento niya.

Diin ni Barbie, dapat pairalin ang professionalism sa industriya.

“I mean, ang sa akin lang, let's be professional. I mean, kahit naman ako, marami na akong kaibigang production staff, marami na akong nakatrabahong production staff. Kung binigyan ka ng call time na ganito, you respect it. You honor it. Hindi 'yung mag-friendship card ka sa production. Kasi hindi mo alam, may naaagrabyado kang ibang tao.”

Dahil dito, nag-walkout si Barbie at hindi na sumalang sa guesting.

“Kami naman, nakiusap kami. E ‘di sana inuna siya ng call time. Pero, nandu’n na ako. So, ang ending, umalis ako. Umalis kami ni mama doon sa guesting,” sabi niya.

“Tapos, after nu’ng tumatawag 'yung production, ‘Ay, kayo na po. Kayo na po.’ ‘Ay, sorry po. Hindi po kasi kami natutulog eh. Pasensiya na po. Next time na lang,” tugon nina Barbie sa production team.

Ayon kay Barbie, humingi ng paumanhin ang host, at inamin naman ng production team na unprofessional ang kanilang desisyon na unahin ang ibang guest.

“Pero, hindi naman sila nagalit. Nag-sorry pa sila. Even the host. Kasi nga, it was very unprofessional on their part. Aminado sila.”

“Ang sakin lang, ayoko sanang gawin ‘yun. At tsaka, hindi naman ako big star pa noon. Wala pa rin akong say noon. Pero, parang I just want to give out a message. You can't do that to anyone na you think that's any less of someone else,” pagpapatuloy ni Barbie.

“Respeto. Mutual respect tayo sa lahat,” sabi pa niya.

Bibida si Barbie sa “Honor Thy Mother” kasama si Sharon Cuneta, na collaboration ng GMA Network, ABS-CBN, at Prime Video. —Jamil Santos/VBL GMA News