Dalawang barangay worker ang nasawi, habang dalawa pa ang nasugatan matapos silang tambangan sa Ligawasan, Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM) noong Martes, Mayo 19, 2026.
Ayon sa Police Regional Office-BAR, pauwi na ang mga biktima sakay ng isang mini van nang pagbabarilin sila ng mga hindi pa nakikilalang suspek pagdating ng sasakyan sa Barangay Kabasalan.
Sa video ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, makikita na tadtad ng tama ng mga bala ng baril ang sasakyan ng mga biktima.
Nasawi sa insidente ang barangay secretary at isang barangay tanod. Samantala, nagtamo naman ng tama ng bala ang barangay treasurer at isang miyembro ng barangay council at kasalukuyang ginagamot sa ospital hanggang sa oras na ito.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang mga salarin at malaman ang motibo sa pananambang.
Sa kasalukuyan, hinihingan pa ng pahayag ng GMA Regional TV One Mindanao ang mga pamilya ng mga biktima. – FRJ GMA News
