Patay ang isang lalaki matapos siyang pagtulungang gulpihin at ilang beses hatawin ng baseball bat sa Santa Ana, Maynila. Ang pinag-ugatan ng krimen, ang pambabastos umano ng biktima sa kapatid ng isa sa mga gumulpi sa kaniya.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV footage ang habulan ng dalawang lalaki sa bahagi ng Sagrada Familia Street sa Barangay 765 dakong 8 p.m. noong Mayo 12.

Ilang saglit pa, pinalo na ng baseball bat sa ulo ng lalaking naka-jersey ang lalaking hinahabol niya na nakahubad.

Dahil dito, napaluhod ang lalaki at ilang beses pa siyang pinalo ng baseball bat.

Nakatayo pa ang lalaki at nagtungo sa harapan ng isang kotse, at pinagsusuntok naman siya ng isa pang lalaki.

Hindi na nakunan sa CCTV ang mga sumunod na insidente, pero sinabi ng barangay na tuluyan nang ginulpi ang biktima.

“Hindi residente ng Barangay 765 po iyon. So wala po akong masyadong alam kung ano talaga ang pinagmulan ng gulo nila,” sabi ni Kagawad Rica Bartolay ng Barangay 765.

Ilang minuto bago ang pamamalo, makikita ang lalaking nakahubad na pinagtutulungan na palang gulpihin hanggang sa makatakbo siya patungo sa kabilang barangay kung saan siya inabutan.

Sinabi ng pulisya, na nadala pa sa ospital ang lalaki pero pumanaw din kalaunan.

“Sa course ng medication niya at hindi siguro kinaya ng katawan at napakadaming palo ang natamo ng ating victim, namatay ito,” sabi ni Polcie Lieutenant Colonel Alfonso Saligumba, Station Commander ng MPD - 6.

Nahanap ang bahay ng isa sa mga nambugbog sa follow-up operation ng Santa Ana Police Station.

Lumabas sa imbestigasyon na binastos umano ng biktima ang babaeng kapatid ng isa sa mga salarin.

Nasa kustodiya na ng homicide section ng MPD ang nadakip na suspek, na nahaharap sa reklamong murder.

Nahaharap na rin sa katulad na reklamo ang dalawa pa niyang kasama.

Sinusubukan pa ng GMA news na makuha ang pahayag ng nahuling suspek at ang pamilya ng biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA News