Isang lola at kaniyang limang taong gulang na apo ang nasawi matapos silang maanod habang tumatawid sa rumaragasang ilog sa Digos City, Davao del Sur. Ang mga biktima, may dadaluhan sanang birthday ng kamag-anak.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Huwebes, iniulat ng Digos City Disaster Risk Reduction and Management Office, na tumatawid sa Matti River ang lola kasama ang kaniyang dalang apo na edad lima at pito para makipagdiwang ng kaarawan sa isang kaanak noong Martes ng hapon.

Ngunit bigla umanong lumakas ang pagragasa ng tubig sa ilog kaya naanod ang lola at mas bata niyang apo.

Makalipas ang ilang oras, natagpuan na ang kanilang mga bangkay.

Nakaligtas naman ang isa pa niyang apo na pitong-taong-gulang.

Patuloy ang pagkuha sa pahayag ng mga naulilang pamilya.

Samantala, rumagasa naman ang baha sa Barangay Capayuran, Pigcawayan, Cotabato nang masira ang dike sa lugar gitna ng malakas na pag-ulan.

Nagsisilbi ang dike bilang pananggalang laban sa pag-apaw ng sapa at ilog.

Agad na nagsagawa ng clearing operations ang mga awtoridad at inalam ang lawak ng pinsala.

Nananawagan ang mga residente para sa agarang pag-repair sa nasirang dike. – Jamil Santos/FRJ GMA News