Patay na nang matagpuan sa loob ng isang nakaparadang kotse ang dalawang batang lalaki na parehong pitong-taong-gulang sa Naga City, Cebu.

Sa ulat ni Joann Gantalao, Super Radyo Cebu nitong Huwebes, sinabing natagpuan ang mga labi ng dalawang bata nitong Miyerkoles ng hapon sa Purok Yosom, Sitio Bantayan sa Barangay Tuyan.

Ayon sa pulisya, Linggo ng hapon nang huling makitang buhay ang dalawang bata na magkaibigan. Martes naman nang i-report sa awtoridad ng mga magulang ang pagkawala ng kanilang mga anak, kasabay ng panawagan sa kanilang post sa social media.

Batay sa nakuhang CCTV footage, naglalaro ang dalawang bata hanggang sa nakarating sa lugar kung saan nakaparada ang abandonadong kotse.

Hindi pa alam kung papaano nakapasok ang dalawang bata sa loob ng sasakyan, at hindi na nakalabas matapos mala-lock sila sa loob.

Matagal na umanong abandonado sa lugar ang nakaparadang kotse dahil pumanaw na ang may-ari nito.

Wala naman umanong nakikitang foul play ang mga awtoridad sa nangyari sa mga bata.

Nitong nakaraang Abril, dalawang magpinsan na edad apat ang nasawi rin nang makulong sila sa isang sira at abandonadong kotse na nakaparada sa isang bakanteng lote sa Olongapo City. --FRJ GMA News