Inihayag ng Malacañang na hindi nababahala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa naitalang pinakamababang satisfaction ratings niya nitong Marso.
Nauna nang ipinakita sa survey ng Social Weather Stations o SWS na ginawa nitong nakaraang Marso na bumagsak sa minus 15% ang satisfaction ratings ni Marcos. Mas mababa ito ng 12 puntos sa neutral at “poor.” Ito rin ang pinakamababang satisfaction rating na natanggap niya sa panahon ng kaniyang panunungkulan.
Sa isang press briefing sa Japan kung saan bumibisita si Marcos, sinabi ni Palace press officer Claire Castro na magsisilbing inspirasyon ang mga naturang numero upang lalo pang pagbutihin ng pangulo ang kaniyang trabaho.
“Alam natin na sinasagad ng Pangulo ang pagtatrabaho pero makakatulong ito para mas pagbutihan pa ng Pangulo ang pagtatrabaho at pagbibigay ng tulong sa ating mga mamamayan,” ayon kay Castro.
Binigyan-diin din ni Castro na iba ang lumabas na resulta sa mga survey ng ibang kompanya.
Binanggit niya ang isang survey kamakailan na nakakuha umano si Marcos ng pinakamataas na rating sa apat na pinakamataas na opisyal ng bansa sa isang nationwide study.
Ayon sa opisyal, maaaring ang mga respondent na nakausap ng SWS ay hindi pa nakakaramdam ng tulong mula sa gobyerno. Gayunman, patuloy umanong kumikilos ang Pangulo.
“Sa ating pagkakatingin, depende nga po ‘yan sa mga respondent na nakakausap. So naniniwala po tayo na nararamdaman ang iba mga kababayan natin ang ginagawa ng gobyerno, nagkakataon lamang po siguro ang nakakausap ay mga taong hindi pa nahatiran or hindi pa naramdaman ang tulong ng gobyerno,” paliwanag ni Castro.
Patuloy na binibigyang-diin ng Malacañang na hindi nakatuon ang Pangulo sa kaniyang ratings at nananatili siyang nakapokus sa pamamahala ng bansa.
Kasalukuyang nasa Tokyo, Japan si Marcos para sa isang state visit. — FRJ GMA News
