Umakyat na sa lima ang bilang ng mga namatay sa pagguho ng isang ginagawang gusali sa Barangay Balibago sa Angeles City, Pampanga, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Region 3 nitong Huwebes.
Sa isang update, sinabi ng BFP Region 3 na 7:57 a.m. nang makarekober ng mga rescuer ang isa pang biktima mula sa pagguho sa gitna ng isinasagawang search, rescue, and retrieval operations.
“As of 0757H May 28, 2026, the body of one (1) male victim has been recovered, making it this incident's 5th casualty,” saad ng BFP Region 3.
Sa hiwalay na ulat naman ni Bea Pinlac sa Unang Balita, sinabing isa pang katawan ang natagpuan ng K-9 unit sa ilalim ng guho Miyerkoles ng gabi.
“Naka-detect po ‘yung K-9 dog ng isang human body. Nag-start na po ‘yung extrication nitong human body,” sabi ni Jay Pelayo IV, PIO chief ng Angeles, Pampanga.
“Hindi siya ganu’n kadali kasi napapailalim pa siya ng malalaking debris. Meron pa tayong ginamit na shoring na ginawa para maging stable ‘yung paglalabasan sa kaniya. Kapag nailabas po sila ng ating mga bumbero sa collapse sites, itu-turnover po namin sila sa ating mga taga-DOH para alamin ang pagkakakilanlan bago po ito tuluyang dalhin sa nearest na punerarya,” sabi naman ni Fire Superintendent Maria Leah Sajili, PIO ng BFP Region 3.
Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na posibleng may mailigtas pa sa 16 na pinaniniwalaang naipit sa guho.
“It is still a search and rescue operation. ‘Di pa po tayo nawawalan ng pag-asa na may buhay pa sa loob. There have been instances kasi na two weeks after, nahahanap pa rin katulad sa nangyari sa Baguio. So for me, I would rather consider it a search and rescue,” sabi ni Remulla.
Nagpapatuloy ang 24 oras na operasyon ng mga awtoridad sa gumuhong gusali.
“Habang patuloy tayong nagtatanggal ng mga debris, ay kasabay po ang pag-recover natin ng mga katawan ng biktima. We are not losing na sana ay magkaroon talaga ng miracle na mayroon at mayroon pa tayong ma-retrieve, mayroon tayong matagpuan na buhay na biktima,” sabi ni Sajili.
Sinabi ng Angeles City LGU na hindi pa humaharap sa kanila ang mga kinatawan ng may-ari ng kompanyang Golden Years Construction and Steelworks Corporation.
Sineguro ni Remulla na hindi nito matatakasan ang pananagutan.
“We will issue a subpoena and put a hold order sa airport para mag-report sila,” sabi ni Remulla.
Posible umano silang maharap sa patong-patong na reklamong kriminal, sibil at paglabag sa labor code.
“Ang pagkukulang dito ay hindi dapat magkaroon ng tulugan doon sa construction site mismo. Dapat may barracks. Pangalawa, hindi dapat kasama ‘yung pamilya. Ang sinabi sa akin ni Mayor, mayroon daw ibang report na may kasamang pamilya sa loob. Hindi kasama dapat ‘yun,” sabi ni Acting Secretary Francis Tolentino, Department of Labor and Employment.
Lima katao na ang kumpirmadong patay, 15 ang napaulat na nawawala, at 26 ang nailigtas sa insidente.
Gumuho ang siyam na palapag na ginagawang gusali bago magbukang-liwayway noong Linggo.
Bago nito, idineklara ng ilang opisyal noong Martes na magsagawa na ng search and rescue operations matapos wala nang maobserbahang mga senyales ng buhay mula sa mga guho noong Lunes ng gabi.
Natukoy ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Miyerkoles ang mga posibleng paglabag sa occupational safety and health standards sa construction site.
Dati na ring sumailalim ang proyekto sa isang work stoppage order na inisyu ng DOLE Region 3 dahil sa mga kakulangan nito sa kaligtasan.
Ipinagpatuloy ito kalaunan matapos maiulat na sumunod na ang kompanya sa kinakailangan ng ahensiya. — VBL GMA News

