Nakaranas ng biglang pagbuhos ng malakas na ulan at pagbaha ang ilang parte ng Metro Manila madaling araw nitong Huwebes.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, pasado 3 a.m. nang bumuhos ang malakas na ulan kaya napasilong ang ilang motorcycle riders sa EDSA.

Kabilang sa mga binaha ang EDSA-Balintawak northbound lane, pero humupa rin makaraan ang isang oras. Gayunman, napa-menor at tumabi sa gilid ang mga sasakyan.

Nakaranas din ng katamtamang buhos ng ulan sa EDSA Muñoz.

Bumaha rin sa northbound lane ng EDSA na sakop ng Barangay Apolonio Samson.

Tila hindi alintana ng ilang kabataan ang panganib na dala ng pagligo sa baha.

Bumara sa ilang drainage ang basura na agad tinanggal ng isang gasoline pump attendant.

Pabugso-bugso rin ang ulan sa Roxas Boulevard sa Pasay nitong madaling araw.

Bumuhos naman sa Maynila ang ulan bandang 4 a.m.

Samantala, walang baha sa Taft Avenue corner UN Avenue hanggang makarating sa kanto ng Quirino Avenue.

Ganito rin ang sitwasyon sa kahabaan ng España Boulevard.

Sinabi ng PAGASA na itinaas ang thunderstorm advisory nitong umaga sa Quezon City, Maynila, Valenzuela, Caloocan at Malabon. — Jamil Santos/ VDV GMA News