Noong Marso, tuluyan nang inumpisahan ang paggiba sa makasaysayang Hilario Sunico House sa San Nicolas, Maynila, na tahanan ni Hilario Sunico, isa sa pinakatanyag na gumagawa ng mga kampana noong panahon ng mga Kastila.
Sa nakaraang episode ng I Juander, sinabi ni Stephen Pamorada, isang lead convener at history advocate mula sa Manileños for Heritage, itinaon ang paggiba sa Hilario Sunico House para walang sagabal.
“Noong time na ginigiba siya, it was Holy Week, so kumbaga ‘yung mismong araw na mangyayari ‘yung demoliton, parang walang government offices na puwedeng trumabaho,” sabi ni Pamorada.
Tinatayang nasa 135 taon na ang Hilario Sunico House, kaya isinailalim ito sa pangangalaga ng Republic Act 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009.
“Because under the NHCP guidelines, a house should generally be at least 50 years old, retain authenticity and ideally preserve at least 70% of its structure and materials,” sabi ni Atty. Regal Oliva, heritage lawyer.
May kaukulang parusa ang lumabag sa batas na ito o sumira sa idineklarang Important Cultural Property o ICP, tulad ng Hilario Sunico House.
“Maybe punished by a fine of not less than P200,000. Puwede ring imprisonment, 10 years, or both,” sabi pa ni Oliva.
Sa pagbisita ng I Juander team sa eksaktong kinatatayuan ng Hilario Sunico House, isang tila abandonadong bahay na ang kanilang naabutan, wala na ang mga bintana at hindi na matatag ang mga haligi.
Mistulang tinalupan na rin ang bubong at nakakalat ang mga kahoy. Ikinulong sa isang malaking trapal ang buong istruktura ipara ikubli ang pagwasak nito.
“The barangay should be the first one in line. So kung may alam sila, they can always stop the demolition. And the barangay, if they will not stop the demolition, they can also be held liable,” sabi ni Oliva.
Depensa naman ni Melchor Garin, punong barangay, nag-apply ang mga kasalukuyang nangangalaga sa Hilario Sunico House para sa demolisyon, ngunit hindi pa sila binibigyan ng karapatan na maggiba.
“Pero wala pa akong nire-release na permiso para maggiba ng lumang bahay,” sabi ni Garin.
Bukod dito, wala ring pahintulot ang Department of Engineering and Public Works ng Lungsod ng Maynila.
Nakilala ng team ng I Juander si Architect Ed Sunico, na kasama sa ika-apat na henerasyon ni Hilario Sunico.
“Ang number one memory ko diyan sa bahay na ‘yan at siguro memory doon ng aking mga kapatid ay 'yung aming lola ninang, si Dionisia Sunico, anak ni Hilario Sunico na tumira doon sa bahay na 'yan. Walo kami magkakapatid so na-imagine mo kung gaano kaingay at gaano kagulo doon sa bahay,” sabi ni Sunico.
“Naalala ko masyadong mapresko doon sa bahay na 'yan. Walang aircon pero tagus-tagusan ang hangin,” dagdag pa niya.
Ipinakita ni Sunico ang orihinal na plano ng Sunico Foundry, kung saan ginagawa ang mga kampana noong panahon ng mga Kastila. Ayon sa kaniya, may 200 mga kampana ang naitala na mga ginawa.
Pag-amin ni Sunico, matagal nang naibenta ng kanilang angkan ang matandang bahay.
“Napagpasyahan nu’ng pamilya na ibenta na 'yung bahay sa isang Chinese na negosyante during that time. Malamang may ibang pangangailangan ang pamilya noong panahon na ‘yun,” sabi niya.
Nakasaad sa RA 10066 na may karapatan ang may-ari ng bahay na ibenta, i-redevelop o ilipat ang pagmay-ari ng naideklaang important cultural property, ngunit kailangang makipag-ugnayan sa mga ahensiya ng gobyerno gaya ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP.
“Hindi ko maalala kung magkano naibenta noong panahon na yun, early 70s. Nu’ng lumipat kami noong early 1970s, wala pang declaration of cultural value or heritage infrastructure,” sabi ni Sunico.
Taong 2009 nang maisabatas ang proteksiyon at hindi basta-basta ang demolisyon sa mga estruktura tulad ng bahay ni Hilario Sunico. Kaya nasa nakabili na ng bahay ang responsibilidad nito.
“Wala namang pung binababa sa amin ang NHCP ng mga lugar na kailangan naming bantayan o alagaan. Pero sa barangay namin, alam namin kung ano 'yung meron kami,” sabi ni Garin.
Naglabas na ang NHCP ng cease and desist order o ang pagpapatigil sa anumang gawain sa Hilario Sunico House. — VBL GMA News
