Duguan, nakasilid sa sako at wala nang buhay nang matagpuan ang isang sanggol sa isang bahay sa Barangay Pasong Putik Proper, Quezon City. Ang suspek, ang mismong nag-aalaga sa bata na sinabing nabitawan niya umano ito.
Sa ulat ni Katrina Son sa Unang Balita nitong Martes, sinabing natagpuan ang 11-buwang gulang na sanggol sa kuwarto ng bahay sa Ilang Ilang Street.
Bago nito, 11:30 p.m. ng Mayo 29 nang magsumbong sa mga awtoridad ang 26-anyos na babae na nag-aalaga sa sanggol, na kinuha umano ng dalawang lalaki ang kaniyang alaga.
Ayon sa kaniya, isa sa mga lalaking kumuha umano ang ama ng bata.
“‘Yung alaga niyang bata na 11 months is may dalawang lalaki na kumuha. Ayon sa kaniyang kuwento is kukunin niya 'yung kaniyang anak kasi ayaw ipakita ng nanay. Tapos kinuha, inilagay sa balikat, tinalukbungan ng jacket na itim, then umalis sila,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Timothy Aniway Jr., commander ng Pasong Putik Police Station 16.
Ngunit nang suriin umano ng mga awtoridad ang mga CCTV sa lugar, wala umanong nakitang dalawang lalaki na lumabas galing sa bahay. Nakipag-ugnayan din sila sa ina ng sanggol na nasa ibang bansa.
Sinabi ng ina na nasa probinsya ang ama ng sanggol, kaya ang asawa ng kaniyang pinsan ang nag-aalaga sa bata.
Doon na nagkaroon ng pagdududa ang mga awtoridad.
Bumalik ang mga awtoridad sa bahay, ngunit ayaw na silang pagbuksan ng babaeng nag-aalaga sa bata.
“Ilang beses na ‘Pakibukas,’ noong pagbukas is may naamoy na kami. Hanggang sa tinanong namin sa kaniya, ‘Wala ka bang naaamoy?’ Napaiyak, ang sabi niya, ‘Andoon sa itaas ‘yung bata,’” sabi ni Aniway.
Hanggang sa umamin na ang nag-aalaga na wala nang buhay ang sanggol, saka itinuro kung saan niya itinago ang bangkay nito.
“Pagdating sa taas, andu’n 'yung parang sako bag na may nakadapo nang langaw. With that, confirm na ‘yun,” sabi ni Aniway.
Itinuro ng suspek ang nakatatandang kapatid ng biktima na nasa edad limang taong gulang na lagi umanong nag-uuntog sa sanggol.
Hanggang sa Mayo 29 ng 6 p.m. nang makita niyang muli umanong inumpog ang sanggol.
Binuhat niya umano ang sanggol, ngunit nangingisay na. Dahil dito, nabitawan niya ang bata kaya nauntog itong muli.
Noong wala nang buhay, saka niya ito ibinalot sa plastic at isinilid sa sako.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa insidente.
Nahaharap ang suspek sa reklamong murder at perjury. — Jamil Santos/VBL GMA News
