Inihayag ng isang immigration lawyer at alkalde ng Bergenfield, New Jersey, na walang bagong patakaran na nag-uutos sa mga nag-a-apply ng US Green Card na bumalik sa kanilang bansang pinagmulan habang pinoproseso ang kanilang aplikasyon. Sa halip, nakasaad umano sa US Citizenship and Immigration Services (USCIS) memorandum na inilabas kamakailan na mas mahigpit lamang na ipatutupad ang mga umiiral na batas sa imigrasyon.
Ayon kay Atty. Arvin Amatorio, alkalde ng Bergenfield, nakasaad sa bagong memo na mas mahigpit na ipatutupad ang Immigration and Nationality Act, pero hindi nito binabago ang mga legal na paraan na kasalukuyang nagagamit ng mga kuwalipikadong aplikante.
“What may be changing is how USCIS exercises discretion, potentially placing greater emphasis on immigration history and compliance with immigration rules. The law remains the same, but stricter adjudication could make it harder for some otherwise eligible applicants to adjust status inside the United States,” pahayag ni Amatorio sa ipinadalang mensahe sa GMA News Online.
Ayon pa sa alkalde, ang mga aplikanteng nawalan ng legal na status sa Amerika ay maaaring kailanganing bumalik sa kanilang pinanggalingang bansa, maliban kung sila ay kuwalipikado sa mga itindakdang "exception," tulad ng mga may kategoryang “extraordinary ability.”
Kabilang dito ang mga tao na kilalang matagumpay sa larangan ng agham, edukasyon, negosyo, palakasan, o sining.
“This makes it even more important for intending immigrants to be careful, understand their options, and avoid unnecessary mistakes in their applications,” payo ni Amatorio.
Dahil sa mas mahigpit na pagpapatupad ng umiiral na mga batas sa imigrasyon, sinabi ni Amatorio na maaaring makaranas ang ilang pamilya ng mas mahabang panahon ng pagkakahiwalay o pagsubok habang sumasailalim sa proseso ng imigrasyon.
“Family unity has long been a cornerstone of our immigration system, and many Americans today have benefited from immigration pathways designed to keep families together, including the families of public officials and leaders in past years. I wholeheartedly believe that preserving family unity should remain an important principle of our immigration system,” saad niya.
Sa bagong memo ng USCIS, ang Adjustment of Status — ang prosesong nagbibigay-daan sa mga migrante na makakuha ng green card habang nasa loob ng Amerika— ay itinuturing na isang “natatanging pribilehiyo” lamang at hindi awtomatikong karapatan.
Sa ilalim ng bagong polisiya, inaatasan ang mga opisyal ng imigrasyon na masusing suriin ang mga aplikanteng naghahangad ng green card habang nasa loob pa ng bansa — lalo na ang mga nag-overstay ang visa, lumabag sa mga tuntunin ng imigrasyon, nagtrabaho nang walang awtorisasyon, o nabigong mapanatili ang kanilang legal na status.
Maaaring makaapekto ang memorandum sa daan-daang libong aplikante ng green card sa buong Amerika, dahil maaaring kailanganin muna nilang umalis ng bansa at kumpletuhin ang tradisyunal na proseso ng immigrant visa sa pamamagitan ng mga embahada at konsulado ng US sa ibang bansa.
Una rito, sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez sa GMA News, na tinatayang nasa 100,000 hanggang 200,000 Pilipino ang maaaring maapektuhan ng bagong memo ng USCIS.
Ipinakita ng datos sa imigrasyon na humigit-kumulang 820,000 migrante ang nakakakuha ng green card bawat taon sa pamamagitan ng proseso ng Adjustment of Status. Samantala, tinatayang nasa isang milyong tao ang nag-a-apply para sa lawful permanent residency, at karamihan sa mga aplikanteng nakabase sa pamilya o trabaho ay inaayos ang kanilang status habang nasa loob ng Amerika. — Dave Llavanes Jr./FRJ GMA News

